Sa kabila ng matinding krisis pangkalusugan, bagsak na ekonomiya at kahirapan sa sektor ng edukasyon, pilit inimplementa ng Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED) ang Flexible Technology Learning (FlexTel), isang sistema ng pag-aaral na nahahati sa dalawang moda: online at correspondence, na siyang sinunod ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa pagbubukas ng klase noong Oktubre 5, 2020.
Matapos ang taong panuruan, lalo lamang pinalitaw ang kapalpakan at kahirapan ng mga estudyante at propesor sa ilalim ng neoliberal na edukasyon at pagpapatupad ng FlexTel. Mula sa anti-estudyanteng polisiya hanggang sa pagluwa nito sa malaking bilang ng student drop-out manipestasyon na hindi kayang tustusan ang napaka-mahal na gadgets, internet connection at data na kinakailangan para makasabay sa bagong moda ng pag-aaral.
Dahil sa pinagdaanang hirap ng mga PUPians, patuloy na ikinakalampag sa pamahalaan at administrasyon ng PUP ang kampanya para sa Ligtas na balik-eskwela.
Panig ng mga Estudyante
Nang magbukas ang klase noong nakaraang taon, birtwal na sinalubong ng pamantasan ang mga estudyante na piniling ipagpatuloy ang kanilang edukasyon sa gitna ng banta ng pandemya at lumalalang sosyo-ekonomikong krisis ng bawat pamilyang Pilipino.
Isa si Pamela Joy Macas, first year sa kursong Bachelor of Science in Business Administration, sa nagpahayag ng kahirapan bilang estudyante sa ilalim ng FlexTel. Wika niya, "Hindi rin [ako] nakapaghanda [para sa umpisa ng klase] kasi nga nasa gitna ng pandemya at hindi rin nakapag-adjust ng maayos kasi hindi naman ganon kaayos yung gadget na gamit ko at hindi rin ganoon kabilis yung internet." Ilan lamang ang mga nabanggit sa dahilan upang makaramdam ng pagkalugmok imbis na masabik ang mga freshmen sa unang taon nila sa kolehiyo.
Sa ilalim ng online mode, mayorya ng mga estudyante ay gumagamit ng mga plataporma gaya ng Microsoft Teams, Google Classroom at Google Meet, Discord, Zoom, at Facebook upang makipag-usap o makipagpulong sa mga guro at kaklase, makapagpasa ng mga gawain at makatanggap ng mga aralin. Lahat ng mga ito ay malakas komunsyumo ng internet o data. Kaya ang kawalan ng pantustos o akses sa mga ito ang pinakamalaking problema ng mga estudyante sa ilalim ng online classes.
Para naman kay Ma. Angeline Narnola, isa first year student sa kursong Bachelor of Arts in Journalism, naging mahirap ang panuruang taon dahil nagkasabay ang pagtapos ng gawain para sa unang semestre at ang pag-uumpisa ng klase sa ikalawang semestre.
Dagdag pa niya, naging problema ang "katiting na oras upang tapusin ang mga gawain kumpara sa dami ng mga ito." Ito ang pinaka malaking hadlang para sa mga estudyanteng nasa ilalim ng correspondence mode na nakaranas ng matinding pagkaantala sa pagpapadala ng mga modyul.
Umani naman ng batikos ang administrasyon ng PUP dahil sa kakulangang aksyon nito na tugunan ang problema ng mga estudyanteng nasa correspondence mode. Tatlong buwan ang lumipas matapos ipadala ang IMs, lubhang ikinabahala ng mag-aaral ang halos isang buwan na palugit ng kanilang propesor upang isapinal ang mga requisito sa klase.
Bagaman may ilang propesor ang nagbigay paanyaya sa kanilang mag-aaral na dumalo sa mga online classes o pansamantalang bumase sa mga soft copy ng modyul, giit pa rin ng kalakhang mag-aaral na nananatiling pribilehiyo pa rin ang makadalo sa birtuwal na pagpupulong o klase.
Sa kabilang banda, nakaranas ang ilang klase sa PUP SHS ng antala sa pagkakaroon ng guro sa kanilang mga asignatura. Ayon kay Lorea Mayuga mula sa PUP Senior High School (SHS), "sa tagal din na mahanap ang prof, halos wala na [kaming] natutunan sa ibang [asignatura]."
Kaugnay rin nito, isinalaysay ng isang estudyante na mahirap hanapin at lapitan ang ibang mga guro kapag may hindi maunawaan o pagkakamali sa aktibidades. Kung malapitan man, hindi rin lubos na maipaliwanag ang gawain.
Pahayag pa nito, "hindi na rin kami nabigyan ng [aktwal na materyales para sa mga gawain] at umasa na lang kami lahat sa [mga PDF na mayroon]... May mga nilabas na mga [memorandum ang PUP] ngunit hindi rin nasunod."
Sa usapang kalusugan naman, ibinahagi ni Pamela na "habang tumatagal ay mas lalo [akong] na-drain; siguro dahil sa bigla-biglang magpapatong-patong 'yung mga gawain at tsaka may mga hindi maintindihan na [aralin] kasi bihira naman magklase 'yung ibang [guro]."
Para naman kay Lorea, ang kaniyang pagkabalisa simula ng panuruang taon ay nagresulta ng pagkawalang-bahala matapos masubok ng taon. "Kahit ano na lamang maging kalabasan ng taon, basta't makakatapos," saad niya. Kaniya ring ipinunto na ang lumalalang sitwasyon sa mental at emosyonal na kalusugan ng mga estudyante ay posibleng "dahil sa kawalan ng pakikisalamuha sa mga kaklase sa silid-aralan na nagsisilbing [pangtanggal ng stress]."
Mula sa panig ng mag-aaral lumutang na hindi lamang pisikal na aspeto ang lubhang naapektuhan kundi maging ang mental na kalusugan nito dulot ng palpak at anti-estudyante implementasyon ng FlexTel.
Panig ng mga Guro
Hindi lamang mga mag-aaral ang problemado sa FlexTel kundi pati ang mga kaguruan. Sa naging karanasan ng isang guro mula sa PUP Quezon City campus, isang matinding hamon ang pagtuturo ngayon dahil sa "connectivity [at] learning acquisition."
Ibinahagi ni *Sir M ang karanasan niya sa labing-apat na klaseng kanyang tinuturuan, "kung kailangan [magtiyaga] para maging maganda [ang klase] at [ma-udyok] ang mga [estudyante] sa online class, [oo], bumigat [ang workload] dahil kailangan pa [samahan] ng [karagdagang aplikasyon ng mga aralin]. Pero masaya pa rin naman."
Nang tanungin ang guro ukol sa napansing problema sa kaniyang mga estudyante, wika niya'y "napansin ko lang na dahil nagtatrabaho ang iba sa kanila, ay nahuhuli sa pagpasa ng mga [gawain], pero tinatanggap ko pa rin naman dahil importante rin sa kanila ang trabaho nila."
Patungkol naman sa personal o teknikal na kahirapan bilang guro, binahagi nito na "nakakapagod makipag-usap sa harap ng kompyuter. Hindi ko alam kung may mga kausap pa ba ako pero masaya naman kapag [nakikisalamuha] ang mga estudyante sa akin," saad ni Sir M.
Nang tanungin ng pahayagan si Sir M tungkol sa mga karaniwang problema na nararanasan ng mga guro, isiniwalat niya ay ang power interruption sa kanilang lugar. Aniya, "laging nawawalan ng kuryente. Sa ibang guro naman siguro ay internet fluctuation,"
Sa usaping internet connection, nabanggit din ng guro na ang internet fee para sa mga part-timers ay hindi pa rin natutugunan.
"Band-aid" solusyon sa matinding kahirapan sa edukasyon
Ilan sa mga naging solusyon ng administrasyon ay ang pagbaba ng Executive at Memorandum Order para sa taong 2021. Tulad ng Executive Order No. 17 na may petsang ika-23 ng Marso, binigyan ng palugit ang mayorya ng mga empleyado ng unibersidad na magtrabaho sa remote office set-up o mula sa kanilang sariling tahanan.
Ang Memorandum Order No. 5, series ng 2021 naman ay pagpapaalala sa mga miyembro ng faculty na magbigay konsiderasyon sa mga sitwasyon at kapasidad ng mga estudyante, magbigay lamang ng sapat na dami ng gawain, magbigay ng soft copy ng mga IMs at na payagan ang mga estudyante sa ilalim ng correspondence mode ng sumali sa online classes at magsagawa ng mga gawain online kung may kakayahan.
Maliban dito, inilabas din noong Mayo 8 ang memorandum na nagsasabi na ang mga gawain tulad ng takdang-aralin, oral reports at graded recitations ay dapat bawasan, kung hindi ipagbawal; na sapat na dami ng pagsasanay ang bibigyan ng grado; hanggang dalawa lamang na pagsusulit ang ibibigay nang may sapat na oras upang makasagot at makapaghanda; at na isang pinal na pagsusulit o proyekto ang hihingin bilang "major assessment".
Karagdagan pa, ang mga estudyante sa ilalim ng online mode ay hindi maaaring bigyan ng 5.0 na grado o mga remark na DROPPED (D) o WITHDRAWN (W); na sila lamang ay dapat bigyan ng remark na INCOMPLETE (INC).
Ang mga nabanggit na memorandum ay bigong sundin ng ilang propesor. Para sa mga estudyante, nananatiling band-aid solusyon ang binababang kautusan dahil hindi nito inuugat ang tunay na dahilan kung bakit lugmok ang sektor ng edukasyon sa neoliberal na polosiya ng FlexTel.
Ayon sa isang mag-aaral na si Angeline, "Siguro [ang pagbabagong kailangan] ay ang pag-iisip ng komprehensibong plano para sa lahat, pati na rin sa mga maliliit na populasyon ng Correspondence Mode. Isipin nila na hindi lahat may kakayahan upang makipagsabayan, may mga ilan ding may ibang trabaho bukod sa pag-aaral, mayroon ding may kakulangan sa iba't ibang kagamitan upang magpatuloy. Sana mas maging malawak ang kanilang isip sa pagbibigay ng mga gawain at isipin ang kalagayan ng lahat."
"Bigyan ng pagkakaton ang mga estudyante upang makadalo sa klase o makasagot ng mga pagsasanay at pagsusulit ng naaayon sa kanila, lalo na kung hindi naman iisang level ang kakayahan ng lahat. Kung kaya naman ng ibang modyular na dumalo sa online class, payagan. Kung mahuhuli ang mga modyul, payagan nang magsagot na lamang ng virtual copy nung mga modyul," panawagan ni Lorea. Samakatuwid, sundin ang nilaman ng mga memorandum.
Pagsusulong ng Ligtas na Balik Eskwela
Sa kampanyang ligtas na balik eskwela, layong ipatupad sa nasyunal na antas ang prayoritasyon sa sektor ng edukasyon at tulungan itong maghanda sa pisikal na pagbubukas ng klase. Nakapaloob rin sa kampanya ang panawagan para sa karagdagang pondo upang bigyan ng pinansyal na suporta at rekurso ang mga kaguruan at mag-aaral sa kolehiyo upang masiguro na ligtas at hindi malagay sa panganib ang pagbubukas ng pisikal na klase.
Mula sa opisyal na pahayag ng Kabataan Partylist, "ang panawagang [ligtas na balik eskwela] ay maisasakatuparan kung magkakaroon ng mass testing para sa mga kawani ng paaralan at estudyante, pagsama ng mga manggagawa sa institusyon at mag-aaral sa libreng bakuna, at ayudang magagamit upang makapag simula muli ang mga estudyante at guro sa pagbubukas muli ng eskwela."
Daan-daang organisasyon, pormasyon, konseho at publikasyon ang nananawagan sa implementasyon ng ligtas na balik-eskwela sa buong bansa.
Para kay *Nicole mula sa Departamento ng Sikolohiya, natatangi ang kampanya ng LBE para maging inklusibo at makamasa ang polisiyang ipapatupad para sa bagong moda ng pagkatuto. Sa wika nito mismo, "Higit pa kasi itong ligtas na balik eskwela sa akademikong panawagan nating mag-aaral. Sakop din nito 'yung paghingi ng isang komprehensibo at malinaw na tugon ng gobyerno sa krisis pangkalusugan sa bansa. Kung magpapatuloy yung kapalpakan ni Duterte at kawalang pake niya sa online classes, tama lang na ikampanya natin ang Ligtas na Balik Eskwela para makabalik na tayo sa pisikal na klase."
Sang ayon naman si Angeline na ang kampanyang LBE ang mas mabuti at mas mainam na panawagan para sa lahat sapagkat may mga ilan na kagaya niyang hindi kaya ang sumabay sa online class.
Dagdag pa niya, "sana alalahanin na may kulang sa sistema. Kahit kaunti lamang sana ang populasyon [ng] mga Correspondence Mode kumpara sa mga Online ay pagtuunan din [sila] ng pansin at huwag isinasantabi. Sa nangyari, hindi nasasagot ang [kanilang] mga tanong hinggil sa mga ipinadala nilang mga module."
Sa kabuuan, litaw pa rin na panawagan ng mga mag-aaral ang ligtas na balik eskwela at nagkakaisang laban para sa maka-masang edukasyon na kung saan walang mag-aaral at propesor na maiiwan sa muling pagbubukas ng pisikal na klase.
* Hindi nila tunay na pangalan.
Ulat ni Veniz Velasquez
Disenyo ni Krystal Anjela Gamboa
No comments:
Post a Comment