Arestado ang limang sundalo kabilang ang isang retirado at miyembro ng CAFGU matapos ireklamo ng panghaharas at pagnanakaw nitong Linggo sa bayan ng Villanueva.
Ang mga nadakip na suspek ay kinilalang sina Cpl. Joel Cabahug, ng Gingoog City, Misamis Oriental; Cpl. Client Japuz, ng Balingasag ; Pvt. Rey kden Hilogon, ng Balingasag, miyembro ng 4th Infantry Division; John Carlo Solde, ng Balingasag, miyembro ng Citizen Armed Auxiliary (CAA); retired army na si Aladino Hulleza Layam, ng Lumbia, Cagayan de Oro.
Kinilala naman ang mga biktimang sina Renz Caesar Gelizon, Kay Jacob Uban, Bernabe Domi Ladica, Markhent Ubalde at Gerry Baac, pawang mga nasa hustong gulang at residente ng Barangay Looc.
Ayon kay Barangay Looc Kagawad Armi Jabiniao, humingi siya ng tulong sa mga awtoridad matapos silang lusubin ng mga suspek na nagpakilalang miyembro ang mga ito ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Kuwento ng mga biktima na supporters ng isang kandidato sa pagka-gobernador sa nasabing bayan, bigla na lamang silang pinasok ng mga suspek saka pinadapa at tinutukan ng baril at kinuha ang ilang kagamitan.
Sinabi naman ni Maj Dennis Cerilla, commander ng Villanueva Police Station, naganap ang insidente isang araw bago ang national election at nakuha sa mga suspek ang 2-.45 caliber pistols, 4 na magazines; 1- .38 revolver pistol at AFP identification cards.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng ang mga suspek at nahaharap sa patung-patong na kaso.
Dismayado naman si Lt. Col. Ricky Canatoy, commanding officer ng 58th Infantry Battalion, maling gawain ng ilan sa mga kanyang mga tauhan na sa halip na sila ang magbibigay ng proteksyon at seguridad sa ginanap na eleksyon ay sila pa ang nanguna sa paggawa ng karahasan.
Tiniyak naman ni Canatoy na kapag napatunayan nagkasala ang mga suspek ay papanagutin ang mga ito.
IKE ENRIQUE – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment