Rehas na bakal ang binagsakan ng dalawang estapador na sinasabing nag-alok ng pekeng food supply project sa isang babae makaraang masakote ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation-Special Action Unit (NBI-SAU) sa inilatag na entrapment operation sa Taguig City.
Ayon kay NBI Director Distor, nahaharap sa kasong Estafa thru Falsification of documents ang mga akusadong sina Filence Carla Lam na may alyas Carla Kam at Felix Lim.
Nag-ugat ang pagkakaaresto sa dalawa makaraang magreklamo ang isang babae sa NBI Office laban sa dalawa na nag-alok sa kanya ng food supply project ng 3,000 PNP personnel sa Camp Crame kung saan nakapagbigay na ito ng P6 milyon para mapabilis ang proseso sa bidding.
Base sa ulat ng NBI, nahikayat naman ang biktima sa nasabing proyekto dahil ginamit ang ilang pangalan ng PNP officials bilang katunayan na kabilang sa transaction kung saan gumawa pa ng text and call app account ang mga suspek para sa kanilang modus operandi.
Binigyan ng mga dokumento ang biktima kaugnay sa food supply project subalit nang berepikahin nito sa PNP Camp Crame, kinumpirmang bogus ang mga pangalan ng mga opisyal ng pulisya.
Gayunpaman, muling nag-meeting ang biktima at mga suspek kung saan humihingi ng karagdagang P1.5 milyon na gagamitin bilang under the table para mapadali ang approval ng food supply project sa Crame.
Lingid sa kaalaman ng mga suspek ay humingi ng tulong sa NBI ang biktima kaya ikinasa ang entrapment operation kung saan nasakote ang dalawa habang kumakain sa isang restaurant sa Taguig City kasalo ang biktimang nag-abot ng P1.5 milyon.
Narekober sa mga suspek ang marked money, cellular phones at ID cards kung saan isinailalim sa inquest proceeding sa Prosecutor's Office sa Taguig City.
MICHAEL DINGLASAN – HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment