Inilatag ng nangunguna ngayong presidential candidate na si Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. ang ilan sa mga plano nito oras na pormal nang maupo bilang pangulo ng bansa.
Sa kanyang talumpati ngayong Miyerkules ng gabi, sinabi ni Marcos na inuuna nilang pag-usapan ang ilan sa mga critical areas sa susunod na taon kabilang ang usapin ng ekonomiya, presyo ng mga bilihin, kakulangan sa trabaho, edukasyon at imprastraktura.
"In the next few days, baka everyday there's something to announce dahil marami na talaga kaming ginagawa," ani Marcos.
"I know the counting is not over, but I always look to the fact that 31 million of our countrymen voted for unity, have agreed to unify and help us unify the country," aniya.
Kasabay nito, sinabi ni Marcos na itatalaga niya bilang kalihim ng Department of Education si presumptive Vice President Sara Duterte-Carpio.
"Si Inday Sara, sabi niya kaya niya," saad ni Marcos.
Kung magkataon, si Duterte ang magiging kauna-unahang appointee sa ilalim ng Marcos administration.
Matatandaang sa ilang pinayam, sinabi ni Duterte na kapag nanalo siyang pangalawang pangulo ay makikipag-usap siya sa Kongreso at hihilinging gawing mandatory ang military service sa lahat ng mga Pilipino oras na tumuntong na sila ng 18-taong gulang.
Samantala, pagkatapos ng kanyang maikling talumpati ay hindi na tumanggap ng tanong mula sa media si Marcos.
BECCA DANTES – HN HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment