Pinapaalam ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga regular na empleyado ng Manila City Hall ang isang "good news".
Ayon kay Mayor Isko, inaprubahan na niya ang pag-release ng mid-year bonus para sa lahat ng regular city government employees darating na Lunes, May 16.
"What is due to you, will be given to you. Hindi kayo mawawalan at mapagkakaitan. Habang tayo'y nagbubuti sa ating kapitbahay, kailangan maging mabuti rin tayo sa loob ng ating bahay," saad ni Mayor Isko.
Kasabay nito nagbigay din ng mensahe si Mayor Moreno sa mga magulang na may mga anak na nag-aaral mula sa dalawang unibersidad na pinamamahalaan ng lungsod, kabilang ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at ang Universidad de Manila (UdM).
Dahil sa kabi-kabilang kilos protesta sa nakalipas na eleksyon at halos mga kabataang mag-aaral ang kasama sa mga rally, sinisigurado ni Moreno na "hinding-hindi hahayaang gamitin ang mga mag-aaral o ang lugar ng mga nasabing unibersidad sa mga gawaing pulitikal na maaaring mauwi sa kaguluhan."
Sa kanyang isinagawang "capital report", sinabi ni Moreno na inatasan at kinausap nito ang mga pinuno ng nasabing dalawang unibersidad na bantayan sa pagbibigay ng pinakamahusay na uri ng edukasyon sa kanilang mga mag-aaral.
Sinabi rin ni Mayor Isko sa mga magulang na may mga anak na nag-aaral sa PLM at UDM na "Pumanatag kayo. Ako po ay nag-abiso na sa mga prinsipal mga guro at estudyante, na 'wag agad-agad sasama at sasali sa kaguluhan na pinaplano ng mga iilang mga indibidual."
Ayon pa kay Moreno, "Kailangan nating magpatuloy sa ating buhay at suportahan ang susunod na pamahalaan. We have to as citizens, bilang mamamayan, kailangan tayong magtulungan para sa ikakaunlad at pagkakaisa ng ating bansa."
Kamakailan ay naglabas ng isang Memo si Mayor Moreno kaugnay sa mga magsasagwa ng kilos protesta at iniutos nito na kailangan ng permit para sa anumang rally sa Maynila matapos na pumayag at hilingin sa kanyang mga tagasuporta na magpatuloy at umiwas sa mga kilos protesta.
"Sa mga nanay, tatay, lolo at lola, pumanatag kayo dahil kami po sampo ng aking mga kasamahan sa Lungsod ng Maynila ay binabantayan namin maige. Ang mga institusyong pang-edukasyon ay dapat magbigay ng mahusay, de-kalidad na edukasyon. Yun ang aming obligasyon sa inyong mga anak at ay tumutupad ng mga opisyales at guro dahil trabaho namin iyon," saad ni Moreno.
IKE ENRIQUE – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment