Sumapit na ang araw na pinakahihintay ko. Mula sa aking kinatatayuan, hinila ang aking atensyon ng tingkad mula sa pulang marker na ginamit kong pang-bilog sa araw na ito sa kalendaryo. Ahh, oo nga pala, kahit hindi ko naman malilimutan ang araw na 'to sinadya ko pa ring paalalahanan ang aking sarili. Inihanda ko na kagabi ang mga kakailanganing gamit para sa isa sa pinakamahalagang araw sa buhay ko. Hindi ako pwedeng ma-late kasi sino ba namang gustong unang araw pa lang, late na agad?
Walang minuto ang dapat nasasayang kaya agad akong naligo, nagbihis, nag-ayos, at nagsuklay hanggang sa pinakahuling hibla ng buhok. Presentable. Malinis. Okay na ýan, plakado na. Pero nung kukunin ko na sana ang mga gamit para umalis, nakita ko muli ang sarili ko sa salamin. Ganito ba talaga ang gusto kong itsura kapag kinaharap sila?
Tagaktak ang pawis sa mukha pero fresh pa rin habang namimigay ng polyeto sa komunidad. Sa lansangan, pinagtitinginan akong bading na naka-palda habang iwinawagayway ang mga kandidato at partylist na dapat iboto. Maingay at matalak pero may saysay ang mga sinasabi. Gayunpaman, hindi mawawala silang mga masasama ang tingin at tila ayaw tanggapin ang inaabot kong polyeto dahil lang ako ay bading. May iilan pa sa kanilang humihiyaw na "hoy bakla! Ano 'yang dala mo? Pahingi naman kami!"
Bakit ko nga ba kailangang tapalan ng maling pagkakakilanlan ang sarili ko sa mga taong dapat alam ang katotohanan? Kiber na kung anong sabihin, basta't sa eleksyon ay taas-kamaong patuloy na kumembot para sa kontra-daya at disimpormasyon.
Araw-araw bago sumapit ang pambansang halalan at kahit matapos ito, bitbit ko ang pagtataguyod ng aming karapatan at parte ng karapatang ito ang karapatan sa pagboto. Bading man, tomboy, transgender, bisexual at kahit ano pang sexual orientation mo, tayo ay may puwang sa eleksyon.
Kaya ang susunod na lider ay hindi dapat tulad nilang mga minamata tayo kapag nagdamit ng hindi angkop sa kasariang itinakda sa atin. Bukod sa maayos at komprehensibong mga plataporma, sinumang mananalo ay dapat marunong makinig sa iba't ibang sektor ng lipunan lalo na sa masang manggagawa at magsasaka. Ang aking lider ay may pagtanggap at may pagtanaw sa dalisay na kahulugan ng paglilingkod.
Higit sa lahat ng ito, tinatanaw namin ang isang lider na inklusibo; na hahainan kami ng parehong karapatan na tinatamasa ng masang labas sa aming komunidad. Maging ano man ang sexual orientation ng susunod na pinuno, hindi ito magiging hadlang upang kilalanin, pahalagahan at itaguyod ang karapatan naming mga nasa LGBTQIA+ community.
Unang araw naka-palda, mag-make up naman kaya ako bukas? Mahabang lakbayin pa ang kampanya pati na rin ang laban tungo sa buong pagtanggap sa LGBTQIA+ community!
Akda ni Angel Faith Glodoviza
Desinyo ni Jessica Tiamzon
No comments:
Post a Comment