Misteryoso ang pagkamatay ng isang person with disability (PWD) dahil sinundo pa nito ang lalaki na siya palang papatay sa kanya sa Quezon City nitong nakaraang Martes ng gabi.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 7:30 ng Mayo 10, araw ng Martes, nang maganap ang krimen sa harap ng Ferndale Ville, Sampaguita St., Mayapa Village 3 sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City.
Hanggang sa ngayon, hindi pa kilala ang lalaking biktimang na inilarawan na putol ang kaliwang paa, nasa pagitan ng edad na 30-40, may katamtamang pangangatawan, may peklat sa kanang kilay at nakasuot ng kulay asul na t-shirt at itim na shorts.
Batay sa imbestigasyon ng CIDU, nirentahan ng biktima ang sasakyan na minamaneho ng testigong kinilala lamang sa pangalang Andres. Nagsundo umano sa Cainta, Rizal ang biktima at nagpahatid sa Luzon Avenue, Quezon City.
Pagdating sa nasabing lugar, pinasakay umano ng biktima ang hindi kilalang lalaki na armado ng baril bago inutusan si Andres na ihatid sila sa Ferndale Ville. Pagdating sa lugar, tinutukank umano ng killer ang biktima bago puwersahang kinuha ang cellphone. Kinuha rin umano ng killer ang cellphone ni Andres.
Pagbaba umano ng suspek sa sasakyan ay binaril nito ang biktima na tinamaan sa dibdib kaya naman mabilis na pinaandar ni Andres ang kanyang sasakyan bago humingi ng saklolo sa mga opisyal ng Barangay Holy Spirit.
Isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklara na itong dead on arrival sanhi ng tinamong tama ng bala sa dibdib.
Nasa morgue pa ng ospital ang biktima at wala pang kapamilyang kumikilala.
Inaalam naman ng mga imbestigador kung sino ang biktima upang matukoy kung ano ang motibo ng krimen at kung sino ang lalaking sinundo nito.
EDNA DEL MORAL – HN INVESTIGATIVE REPORTER/COLUMNIST
No comments:
Post a Comment