May 910 pang kaso ng mas nakahahawang Omicron subvariants na BA.5, BA.4 at BA.2.12.1 ang na-detect ng Department of Health (DOH) sa bansa.
Sinabi ni DOH officer-in-charge (OIC) Secretary Maria Rosario Vergeire sa isang pulong balitaan na kabilang sa mga ito ang 816 bagong kaso ng BA.5; 52 bagong kaso ng BA2.12.1, at 42 pang kaso ng BA.4.
Ayon kay Vergeire, sa 816 bagong BA.5 cases, 686 ang nakarekober na, 78 ang naka-isolate habang inaalam pa ang kalagayan ng natitira pang 52 kaso at ang 12 sa karagdagang BA.5 cases ay pawang returning overseas Filipinos (ROFs).
Nasa 560 naman sa mga ito ang fully vaccinated habang biniberipika pa ang vaccination status ng natitira pang 256 kaso.
Nabatid na ang lahat ng rehiyon sa bansa, maliban na lang sa Bangsamoro, ay nakapagtala na ng mga kaso ng omicron BA.5.
Kaugnay nito, sa karagdagang 52 BA.2.12.1 cases, sinabi ni Vergeire na 49 ang nakarekober na at biniberipika pa ang lagay ng tatlong iba pa.
Ang 26 aniya sa mga pasyente ay fully vaccinated na, lima ang partially vaccinated at hindi pa batid ang vaccination status ng 21 pa.
Habang apat sa mga kaso ng BA.2.12.1 ay pawang ROFs, ang iba naman ay mula sa Metro Manila, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, Bicol region, Western Visayas, Central Visayas, Zamboang¬a Peninsula, Davao Region at Caraga.
Inaalam pa ng DOH ang exposure at travel histories ng lahat ng pasyente.
Magugunita na sinabi ng DOH na hindi pa kinakailangan ang paghihigpit ng mga border control para maiwasan ang pagpasok sa bansa ng mga bagong omicron subvariant na BA.2.75 at BA.5.2.1.
EDNA DEL MORAL – HN INVESTIGATIVE REPORTER/COLUMNIST
No comments:
Post a Comment