Nakaladkad ang pangalan ng isang mayor, dalawang pulis at dalawang iba pa nang idawit ang mga ito ng isang saksi sa pagkamatay ng limang katao noong 2019.
Agad namang nagsampa ng reklamong murder ang National Bureau of Investigation laban kay Tuy Batangas Mayor Jose Jecerrel Cerrado, Police Msgt. Joy Vizca Jimenez, Police Msgt. Angelo B Ureta, Gerry Udo at Zeus Gomez sa harap ng provincial prosecutor's office.
Ito ay matapos na magpasya ang testigo na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ni NBI Agent Joel Otic, ng Special Action Unit matapos pagbabarilin at mapatay ang dalawa sa kanyang mga kasabwat, ilang buwan matapos ang insidente.
'"By his own admission, the witness stated that he personally witnessed and was partly involved in the killings, perpetrated by the accused upon direct orders of Cerrado."
Bukod dito'y sinampahan din ng 11-counts of attempted murder ang mga akusado sa nangyaring pananambang sa pamilya ni Florencio Cupo, na kinabibilangan ng dalawang batang edad 2-3 noong 2016 at 2018.
Sa kanyang sinumpaang affidavit ay inamin ng saksi na siya ay empleyado ng munisipyo sa ilalim ng Engineering Department.
Sinabi nitong siya ang nagsilbing driver ng van na pag-aari ni Cerrado, na noon ay bise-mayor pa, na ginamit ng mga assassin para tambangan ang pamilya-Cupo.
Sa kanyang salaysay, dalawa aniya sa tatlong nangyaring pagtatangka laban sa pamilya-Cupo ay utos diumano ng alkalde.
Idinagdag din niya na pagkatapos ng insidente ay ibinalik niya ang van sa garahe ni Cerrado at muling ikinabit ang plate number na tinanggal nang isagawa ang krimen.
Ayon pa sa saksi, ang mga biktima ay mga tagasuporta ng kalaban ni Cerrado sa pulitika.
ARVIN SORIANO – NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment