Mababa at wala pa sa minimum wage kung magpasuweldo ang karamihan sa mga pribadong hospital sa bansa kaya umaalis at nangingibang bansa ang mga nurse para sa mas malaking kita.
Ito ang inihayag ni Manila Economic and Cultural Office (MECO) Chairman Silvestre Bello III kasunod ng maramihang pag-alis ng mga nurse sa Pilipinas.
Ayon kay Bello, kahit malalaki at sikat na pribadong hospital sa bansa ay mababang magpasahod sa kanilang mga health worker.
"One of the reasons na ang ating health workers ay nangingibang bansa is because of the low rate. Karamihan sa mga hospital natin ambabarat. Ang baba, meron diyan five star hospital pero kung magpasuweldo hindi umaabot sa minimum wage. May nagsusuweldo diyan ng 10 thousand, 12 thousand way below the minimum wage," ani Bello.
Ang iba aniyang nurses ay nagtitiyaga lamang at kumukuha ng experience sa mga barat na hospital at pagkatapos ay sisibat na para magtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ni Bello na mataas ngayon ang demand ng nurses sa Europa at katunayan, bago aniya matapos ang termino nito noon sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay kinukulit siya ng Germany at United Kingdom para magpadala ng nurses.
Pero pinag-ingat siya aniya noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil baka walang maiwang nurses sa Pilipinas.
"Araw-araw akong kinakausap noon ng Ambassador ng Germany at UK para magpadala ang bansa ng nurses pero sabi naman ni Pangulong Duterte mag-iingat na hindi tayo mawalan ng medical health workers. Very important lalo na ngayon," dagdag ni Bello.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment