Iminungkahi ni Senador Imee Marcos na ipako sa kada anim na taon ang halalan para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) dahil wala namang probisyon sa Konstitusyon para sa termino ng mga ito.
Ayon kay Marcos, panahon na para selyuhan ang barangay elections o idaos ito isang taon matapos ang presidential elections, kaysa palagi na lang nabibitin o nauunsyami tulad ng nangyari noong 17th Congress na dalawang beses na hindi natuloy at isang beses naman noong 18th Congress.
"Puwede namang ipako na ang barangay elections kada anim na taon – sa Mayo ng 2023 kasunod ng katatapos na presidential elections para may tsansa ang bagong administrasyon na magkaroon ng mandato mula sa masa," ani Marcos, chair ng Senate committee on electoral reforms and people's participation.
Para kay Marcos, kailangan din pag-isipan ang dapat gawin sa Sangguniang Kabataan kada barangay na laging nagkukulang sa miyembro.
"Yong mga nahahalal na teenager kadalasang umaalis sa puwesto para ituloy ang kanilang pag-aaral o magtrabaho.Yong iba `di na nga matukoy kung nasaan," ani Marcos.
"Huwag na natin itong ipilit sa barangay level. Mas maiging lagyan natin ng tig-isang youth kagawad kada barangay, isang youth councilor sa municipal o city level, at youth board member kada probinsya," rekomendasyon ni Marcos.
Kung ililipat ng mga mambabatas ang petsa ng eleksyon sa susunod na taon, inaasahan ni Marcos na gagawin ito sa Mayo.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment