Isinulat ni: Bernadette Tade
Larawan ni: Cheryll Libetario
Sapagkat may bago nang makina para wala nang abala—
Umiingay. Tumutunog. Umuugong. Muling umaandar ang edukasyon sa institusyon ng Ateneo gamit ang kanilang bagong makina na mas magpapadali ng byahe ng kanilang mga estudyante papunta sa destinasyon na kanilang pinapangarap at pinaghihirapan sa kasalukuyan.
Kamakailan lamang ay ipinakilala ng Ateneo de Davao University ang Hybrid Implementation Strategy using a FLEXible modality (HISFLEX) at Return to Campus Protocol para sa darating na bagong taong panuruan 2022-2023. Sa pamamagitan ng makabagong pamamaraan, unti unting maibabalik ang dating nakagawiang pag-aaral ng mga estudyante kung saan ang lahat ay nasa paaralan kasama ang kanila mga guro at kamag-aral. Ang pagpunta sa campus at mga minimithing "campus life" ay unti-unti ng naisasakatuparan sa kabila ng mga dagok na pasan ng daidig ngayon.
Ayon kay Academic Vice President (AVP) Gina Montalan, hinasa at hinahanda ng mekanismo ng kanilang blended learning ang mga estudyante para sa VUCA (Volatile, Uncertain, Complex, and Ambiguous) na mundo, para sila ay may kasarinlan at palaging nagpapatuloy. Naitalakay na rin niya ang mga patakarang pang-akademiko at talakdaan ng mga klase noong diskusyon ng SAMAHAN na pinamagatang "Gearing Up For the New Normal: #SAMAHANTownHall".
Isinaad niya rin na hindi lahat ng mga programa ay binibigyan ng pantay na katayuan sa pamamaraan na ito dahil sa pag-uuri ng mga kurso sa ganap na onlayn at blended. Sa madaling salita, sinusuri nila ang potensyal ng bawat kurso kung kaya ba nitong sa onlayn lamang o blended learning.
"Ang HISFlex classroom ay nagpapahintulot sa mga mag-aaral na matuto mapa-onlayn man o onsite. Mayroon itong sensitibong mikropono, isang kamera na gumagalaw, at isang dokumentong kamera na ginagamit upang makita ang mga onlayn na mag-aaral", isa ito sa mga polisiya ng Ateneo upang lahat ng estudyante ay masubaybayan sa loob at labas ng unibersidad.
Isinaad naman ni Fr. Ogie Cabayao, AdDU assistant ng AVP, ang layunin ng HISFLEX ay mabigyan ang mga guro at mag-aaral ng karapatang pumili na mag-aral onlayn o sa unibersidad mismo. Dagdag niya pa, kinakailangan ng AdDU at ng ibang mga paaralan na maging bihasa sa onalyn at face-to-face na pag-aaral upang maiwasan ang kung anuman na problemang maaaring dumating sa hinaharap.
Mula sa dalawang taon na paggiging bilanggo at pag-aaral sa loob ng bahay kaharap ang mga teknolohiyang magiging tulay upang matuto, maraming interupsyon ang nararanasan ng mga mag-aaral. Nangangalawang ang makina ng kanilang mga utak sapagkat sila ay ay hindi garantisadong natututo dahil sa mga distraksyon sa kanilang paligid hindi katulad noong sila'y nasa paaralan, harap harapang nakikinig sa kanilang mga guro at mayroong mas malinaw na interaksyon sa kapwa nila mag-aaral.
Labis-labis ang tulong na ibinahagi ng teknolohiya sa mga mag-aaral sa gitna ng pandemya, naging daan ito upang maituloy ang pangarap nila. Ngayon na unti-unti nang lumilipas ang bagyong yumanig ng dalawang taon, maaari na naman na bumiyahe ang mga mag-aaral na walang hadlang gamit ang teknolohiya at pagtuturo sa kampus bilang makabagong makina papunta sa kinabukasang puno ng liwanag at pag-asa.
Umiingay. Tumutunog. Umuugong. Paalis na ang sasakyan ng mga estudyante para muling tahakin ang maputik na daanan papunta sa kanila hinaharap. Mahirap man kung tutuusin dahil ang bagyong tinatawag na pandemya nananahan pa rin, tiyak na darating pa rin sa paroroonan. Sapagkat kung pangarap ang pag-uusapan, walang talo at panalo, walang huli at nauuna, at wala itong dipa at hangganan.
Sapagkat may bago nang makina para wala nang abala sa biyaheng papunta sa mas malinaw na kinabukasan at pag-asa.
No comments:
Post a Comment