addushstulay posted: " Isinulat ni: Shanna Gallego NiegosLarawan ni: Althea Befitel [AdDU SHS FB Page] Kaliwa't kanang pagsubok man ang ating hinaharap, kapit-bisig tayong magsusumikap para makamit ang ating mga pangarap. Danasin man natin ang libu-libong pagkabigo't pagkag" Ang Tulay
Kaliwa't kanang pagsubok man ang ating hinaharap, kapit-bisig tayong magsusumikap para makamit ang ating mga pangarap. Danasin man natin ang libu-libong pagkabigo't pagkagapi, sabay-sabay nating gagamitin ang ating mga talento at kakayahan bilang gasolina upang magkaisang umarangkada patungo sa ating minimithing kaunlaran at ipanalo ang ating laban. Sabay-sabay tayong lalayag upang mailathala ang talentong sa atin ay ipinamana, at sa ating pagdating sa ating paroroonan, sabay-sabay nating lilingunin ang nagsilbing tanglaw sa gitna ng ating mundong mapanglaw upang mas maging malinaw ang daan ating tatahakin.
Sa ating pagdiriwang ng ating anibersaryo, lalayag tayo pabalik sa mga aral na ating napulot sa ating mga nakaraan. Lalakbayin natin ang ating mga pinagmulan at ang ating nagsilbing pugad bago natin ibinuka ang ating mga bagwis at nilipad ang lawak ng kalangitan. Ang ating pagdiriwang ay sagisag ng husay at talentong itinanim ng ating mga ninuno na siyang tinatamasa ng bawat ateneans sa kasalukuyan. Sa ating pagdaos ng piyesta ng Ateneo de Davao University, muling sumariwa sa ating puso't diwa ang mga katangiang ating dapat taglayin upang patuloy na dumaloy ang kakayahang ipinamana sa atin tungo sa susunod pang henerasyon.
Sa temang "Lingi Padulong sa Kaugmaon", sabay-sabay nating gagamitin bilang sandata at kalasag ang mga nakaukit na abilidad at determinasyong dumadaloy sa ating pagkakakilanlan bilang atenista. Lilingunin natin ang ating kinabukasan dala-dala ang samu't saring baong ating napulot sa ating paglalakbay sa ating nakaraan. Tayo ang magsisilbing tagapangalaga ng tradisyon at kaalaman na ating kinamulatan. Responsibilidad ng bawat isa sa atin na payabungin ang punlang nagmula sa ating simula upang mapanatili nating buhay at umaalab ang pabaong husay at abilidad ng ating mga karanasan.
Ang bawat agila ay buong tapang na ipinapagaspas ang bawat bagwis sa bughaw na kalangitan upang ipamalas ang kanilang taglay na kakayahan. Awiteneo, Debatenista, Sulatenista, atbp - ilan lamang iyan sa mga patimpalak na isinagawa ng AdDU sa pagdiriwang ng ating pista. Sa tila makabagong mundo na itinatag ng pandemya, ang determinasyon ng bawat isa ay hindi natitinag taliwas ng dagok na pinagdaraanan sa online setting. Hindi ito naging balakid upang ipamalas ang kanilang bawat talento dala-dala ang tunguhing magsilbing inspirasyon sa bawat isa.
Ang bawat pagkumpas ng gitara ay sumisimbolo ng ating katapangang harapin ang bawat hamon, ang bawat awit ay humihilom ng mga pusong nawawalan ng pag-asa, at ang bawat indayog ng bewang ay kinakatawan ang ating pagkatao na kaya nating makisabay hindi lamang sa kumpas ng musika kundi maging sa problema. Ang mga talento ng bawat ateneans ang siyang dahilan kung bakit kailan man ay hindi kukupas ang kulay bughaw.
Sa katunayan, idiniin nga ni Mayumi Sitoy sa kanyang spoken poetry sa live celebration ng aniberasryo, ang Punong Patnugot ng Tulay, na anumang dagok ang haharapin sa edukasyon at kasulukuyang sistema ng pag-aaral ngayon, habambuhay na magniningning ang kulay bughaw sa bawat aktibidad ng Atenista dahil kahit ang distansya man natin ngayon ay nasusukat sa lakas ng internet at sa teknolohiyang gamit, bawat selebrasyon onlayn ay sinasalamin pa rin ang pagsisikap ng administrasyon, mag-aaral, at mga guro na pagtibayin lalo ang pagpapaunlad ng sistematikong pag-aaral. Hindi naging hadlang ang transisyon sa face-to-face classes sa online classes upang patuloy ang daloy ng maayos at MAGIS na pamamaraan ng paglinang ng kaalaman at talento ng mga Atenista.
Ito ay patunay na, kahit saan man natin ipagaspas ang ating mga bagwis o kahit tangayin man tayo ng ihip ng hangin tungo sa kanluran o silangan, mananatiling nakaangkla at dumadaloy sa ating puso't isipan na bughaw ang kulay ng ating pinagmulan. Hindi lamang ito sumisimbolo ng katapangan kundi pati na rin ang ating angking talento at kakayahan na ipanalo ang bawat labanan. Saang lupalop man tayo anurin ng agos ng tubig, mananatiling umaalab ang dagitab ng ating pinagmulan at habang buhay nating ibabandera na tayo'y isang atenista.
No comments:
Post a Comment