Isinulat ni: Mayumi Sitoy
Editorial Cartoonist: Sophia Ravelo
Tuwing ika-30 ng buwan ng Agosto ay maituturing na araw ng mga magigiting na tagapagsiwalat ng kalayaan at katotohanan sa pamamahayag-Ang National Press Freedom Day. Opisyal na nilagdaan at inaprubahan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang House Bill 6922 upang maisakatuparan na ang pagdiwang ng National Press Freedom day tuwing Agosto noong Abril 13. Ito ay kabilang sa panukala ng batas sa ilalim ng Batas Republika bilang 11699, bilang pagbibigay pugay kay Marcelo H. Del Pilar, ang ama sa pamamahayag dito sa Pilipinas (Gita-Carlos, 2022, para.1-2).
Ang pagsusulat ang isa sa mga pangunahing pamamaraan upang maipahayag ang saloobin o opinyon, at higit sa lahat ito rin ang susi sa matatag na pagpapahiwatig ng mga impormasyon. Noong panahon ng kolonyanismo, itinatag ni Del Pilar ang Diariong Tagalog noong 1892 upang ipalaganap ang demokratikong liberal na kaangkla ang karapatan ng mga magsasaka at magbubukid (Bayaning Filipino, n.d., para. 1-3). Kanya ring binigyang kakintalan ang mga ideya at sulat ng pambansang bayani na si Jose Rizal bilang paraan upang buhayin ang pag-iisip at angking kaalaman ng mga Pilipino sa mga pang-aabuso ng mga prayle o dayuhan noon. Ito ang patunay na ang pamamahayag ay makapangyarihan dahil tanging ang katotohanan ang pipigtas sa lubid ng kawalan ng kamalayan sa lipunan. Ilang dekada na ang lumipas nang ang mga Pilipino ay nakaalpas sa paghihigpit ng mga dayuhang ikinulong sila sa sariling bansa, ngunit patuloy pa ring inaalala hanggang ngayon ang mga bayaning nakitil ang buhay dahil sa kanilang kapangyarihan at tapang na ipaglaban ang nararapat na naging sandigan ng nasyonalismo. Kaya naman, ang kanilang paglaban sa kalayaan sa pamamagitan ng pamamahayag ang nagmistulang simula upang mabago ang daloy ng sistema ng Pilipinas at sila rin ang humubog sa mga tao upang mamulat ang mga Pilipinong ipaglaban ang kanilang dignidad o karapatan sa sariling bayan.
Gayunpaman, kahit pagbibigay pugay sa kalayaan sa pamamahayag ang hangarin ng pagdeklara ng National Press Freedom Day, hindi pa rin maikubli ang patuloy na napapatid na mga katotohanan, kung kaya't napapanahon ang pagbibigay pansin sa mga isyung kalakip nito- ang kritikal na kalagayan ng lipunan dahil sa kawalan ng kamalayan at karapatan ng mga taong pilit sumisigaw gaano man kahigpit ang taling nakapaskil sa kanilang mga bibig.
Ang mga sakrsipisyong inalay at ang mga dugo't pawis na natuyo upang maipaglaban ang paninindigan ng bayan ay tila naglaho ng parang bula dahil lamang sa kawalan ng kamalayan sa lipunan at kawalan ng responsibilidad na protektahan ang karapatan ng mga mamamayan. Pangako at gampanin ng mga nasa gobyerno ang pagpapausad ng katotohanan, ngunit bakit patuloy na humihiyaw ang sambayanan, lalo na ang mga kabataan, na itigil ang pagpapalitaw ng mga kasinungalingan? Naudlot na ba ang kalayaan at nasayang ba ang mga sakripisyo ng mga bayani para sa bayan?
Kalakip ng pagpapatibay ng pamamahayag ay ang mga isyung itinuturing ito bilang sandata upang masalba ang Pilipinas sa kritikal na kalagayan. Kabilang sa mga isyung patuloy na pumupukaw sa pamamahayag ay ang hidwaan sa pagitan ng mga paniniwala ng tao kung sino at ano ang tama na naging laganap noong Mayo dahil sa eleksyon. Samu't saring mga panayam ang narinig ng mga tao upang malaman kung sino ang karapat-dapat ngunit kahit kailanma'y hindi ito naging sapat upang pagbasehan kung sino ang mga nanatiling makabayan at tapat. Naging sentro na rin ang midya upang magkaroon ng mainit na talakayan ukol sa mga isyung laganap sa Pilipinas, lalo na ukol sa pamamahala ng gobyerno. Lantaran din ang mga ulat ukol sa mga libo-libong pandaraya at pang-aabuso sa likod ng pagtakbo ng iilang mga kandidato. Isa na rito ang harap-harapang pagbago sa kasaysayan na kung saan ang mga alegasyon sa paglabag ng mga karapatang pantao dahil sa pagkitil ng buhay kapag may mga kasalanan, pagnanakaw sa yaman ng mga Pilipino, at pagpapatapon sa mga selda ng mga taong inakusahan ng kasalanan (Dela Pena, 2021, para. 1-6), ay paulit-ulit na itinatanggi. Ngayon, pilit binabago ang paniniwala ng mga mamamayan sa pangakong maayos na pag-unlad ng Pilipinas at sa pangakong pag-iisahin ang mga Pilipino. Subalit, ang pagkakaisa ay kailanman hindi maisasakatuparan kung ang pagiging tapat ay hindi magawa.
Maaaring tapos na ang eleksyon ngunit hindi pa rin malilimutan ang paos na sumisigaw ng mga hustisya. Maaaring tapos na ang eleksyon ngunit, mahalagang balikan ang mga kaganapang kaugnay sa kalayaan dahil ang patuloy na pag-usbong ng mga isyu ukol dito ay hudyat na hindi pa tapos ang laban- ang paggamit ng kalayaan sa pamamahayag upang mapuksa ang pagtakwil sa mga katotohanan.
Marahil nasa gitna ang mundo sa pakikipagsabak sa pandemya at marahil nasa ika-21 siglo na ang ikot ng mundo kung kaya't midya na ang nagsisilbing boses ng mga tao. Ngunit, kapag ang mga tao'y walang paninindigan, anumang paraan sa paghiyaw ng katotohan, hindi ka kailanman mapakikinggan. Gasgas man sa mga taenga, ngunit habang-buhay na magsisiklab ang katotohanang, "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan." Ngayon ay panahon kung kailan ang mga bata'y mayroong kakayahang magpahiwatig ng mga nararamdaman sa anumang plataporma. Batikos man ang inaabot sa mga matatanda dahil umano sa pakikisali sa mga isyu, ngunit patunay ito na hindi lamang ang mga manunulat ang may kayang magpahayag sapagkat sinuman ay may kakayahang magsiwalat ng tapat at makatotohanang impormasyon. Pinapatunayan din nito na ang kalayaan sa pamamahayag ay hindi lamang nalilimita sa pagkakaroon ng kaalaman sa pagsulat dahil ang pagkakaroon ng kakayahang bumusisa sa mga kasinungalingan at bumunyag ng mga tagong katotohanan, ay ang mga katangiang taglay ng mga pumayapang bayani na may hangaring ipaglaban ang bayan sa pamamahayag—sa pagsiwalat ng katotohanan.
Ang pagpapalaganap ng National Press Freedom Day ay ang pagtaksil at pagsawalang bahala sa mga sakripisyo ng mga bayaning namatay kapag ang pagtanggi at pagtikom sa bibig ang tanging namamayani. Para saan pa't ipagdiwang ito kung ang mga mamamayan ay nabibingi sa katahimikan at uhaw sa katotohanan. Ang pilit na paghubog sa mga taong maniwala sa pagkakaiisa ay ang paglason sa pag-iisip na dapat may kinikilingan. Para sa bayan ang kalayaan at ito ay matatamasa lamang kung mananatiling totoo sa paninindigan. Huwag sayangin ang pag-asang kapalit ng buhay ng mga bayani sa pamamagitan ng pagtayo sa kung ano ang tama, bilang pamamahayag ang pintuan.
Milyong-milyong buhay ang nawala dahil sa mga giyera at pakikipaglaban, ngunit hindi ito kailangan lalo na't tanging pagtayo sa paninindigan at pagsiwalat ng katotohanan lamang ang mitsa ng sambayanan.
Kaya naman, sa panahon kung kailan pilit binabago ang kasaysayan at patuloy na umuusad ang pagpapakalat ng mga pekeng balita, pagpapanig sa mga makasalanan, at pagtikom ng bibig, ay ang panahon upang gawing matatag ang pagkakaroon ng kalayaan sa pamamahayag. Ang pagkakaroon ng national press freedom day ang simula ng laban para sa mga takot magsalita, nakatikom ang bibig, at mga piping hinaing. Ito ang hudyat para sa gobyerno upang kanilang bigyang saysay ang kanilang responsibilidad sa pagbibigay liwanag sa mga katotohanan at ito rin ang hudyat sa mga mamamayan na tumayo sa kanilang paninindigan.
LINKS:
https://bayaningfilipino.blogspot.com/2017/07/talambuhay-ni-marcelo-h-del-pilar.html
https://www.pna.gov.ph/articles/1173063
https://newsinfo.inquirer.net/1490968/marcos-martial-law-golden-age-for-corruption-abuse
No comments:
Post a Comment