Inutusan ng Court of Tax Appeals (CTA) Special 3rd Division ang Lazada E-Services Philippines Inc. na bayaran ang Makati City ng P8.17 milyon para sa local business tax sa taong 2015 at 2017 kasama na ang interes at surcharge.
Dumulog ang Lazada sa CTA matapos ibasura ng Makati Regional Trial Court Branch 132 ang petisyon ng kompanya na kaselahin ang P21.8 milyong tax assessment ng Makati City dito at ang petisyon nito para sa tax refund na P8.3 milyon.
Inilabas ng Makati RTC ang desisyon noong Nobyembre 2021 at binasura din nito ang motion for reconsideration ng Lazada noong December 2021.
Hirit ng Lazada, inilipat nito ang tanggapan o principal office nila sa Taguig City noong third quarter ng 2015 at inamiyendahan ang Articles of Incorporation noong 2016 para makilala ng Securities and Exchange Commission ang pagpalit nila ng principal office address.
Kahit lumipat ito ng principal office, sinabi ng Lazada na patuloy pa rin itong nagbayad ng local business tax sa Makati na nagkakahalaga ng P9.7 milyon noong 2017 at P8.3 milyon nung 2017. Nang matapos na ang contract of lease nito sa Makati, naghain na rin ang Lazada ng petisyon para sa retirement ng opisina nila sa Makati noong September 2017.
Sa kabila ng pagsara ng opisina nito sa Makati, pinadalhan pa rin ang Lazada ng order of payment ng city hall para sa local business tax na P12.6 milyon para sa 2015 hanggang 2017 at interes dito na nagkakahalaga ng P8.6 milyon.
Prinotesta ng Lazada ang order of payment para sa local business tax sa taong 2016 at 2017 ngunit hindi ito pumapalag sa billing para sa 2015 kaya humingi ito ng hiwalay na order of payment sa Makati.
Dinedma ng Makati ang protesta ng Lazada at muli nitong siningil ang kompanya para sa local business tax sa taong 2015 hanggang 2017. Naglabas din ito ng bagong order of payment noong 2018 na nag-adjust na ng kuwenta ng mga surcharge noong Disyembre 2018.
Humingi ang Lazada ng refund sa Makati dahil sa tinuturing nitong maling kinolektang local business tax para sa 2017 na binasura ng City Treasurer. Nasa P1.7 milyon ang basic charge sa local business tax para sa 2015, P7.5 milyon para sa 2016 at P3.4 milyon para sa 2017. Ang surcharge naman ay P1.7 milyon para sa 2015, P6.2 milyon sa 2016, at P1.4 milyon sa 2017.
Sa pananaw ng Lazada, hindi na ito dapat sinisingil ng Makati ng local business tax nang sinara na ang tanggapan nito sa naturang lungsod at hindi rin ito dapat na pinagbayad pa ng local business tax matapos lumipat sa Taguig.
Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Erlinda Uy, hindi napatunayan ng Lazada na limitado na lamang ang operasyon nito sa Makati at hindi na ito revenue generating.
Aniya, hindi sapat na sabihin ng Lazada na administrative na lamang ang nandoon at wala na itong sales. Dagdag niya, may schedule of gross sales/receipts pa ang Lazada para sa Makati office nito noong 2017 na galing pa sa accountant nito mismo na nagkakahalagang P1.5 bilyon.
Isinantabi ng CTA ang usapin para sa local business tax sa 2016 dahil wala itong sapat na basehan. Ginamit kasi ng Makati na basehan ang grosss receipts mula sa 2015 audited financial statement ng Lazada na nagkakahalaga ng P2.29 bilyon sa pagkuwenta ng buwis.
Sabi ni Uy, walang isinumiteng patunay ang Makati para sa 2016 assessment na maaaring gamiting basehan sa sinisingil nitong P13.67 milyon sa taong iyon.
EDNA DEL MORAL – HN INVESTIGATIVE REPORTER/COLUMNIST
No comments:
Post a Comment