Sa kabila ng mga sistematikong atake, patuloy ang mga mag-aaral sa kolektibong pagmartsa upang igiit ang isang kinabukasang walang taning sa akademikong kalayaan at karapatang pantao. Sandata ay ang kanilang boses at sa lansangan sila ay nakikibaka. Ipinapakilala sa bawat singit ng kalsada na hindi lang tayo nagpoprotesta, isa itong karapatan, at isa itong paniningil sa mga nagsasamantala.
Sa pagpasok ng panibagong akademikong taon, patuloy na pinapasan ng mga Iskolar ng Bayan ang mga suliranin at kapalpakang iniluwal ng pamantasan at mismong pamahalaan. Mula sa isyu ng moda ng pagkatuto hanggang sa mga kakulangan sa kagamitan ng mga paaralan. Mas lalo itong titindi lalo na sa nakaambang budget cut sa sektor ng edukasyon batay sa proposed budget na inilatag ng Department of Budget and Management (DBM) sa taong 2023.
Ayon sa datos, posibleng mabawasan ang mga State Universities and Colleges (SUCs) ng P10.7 bilyon, P2 bilyon para sa Commission on Higher Education (CHED), at DTI-TESDA ng P314.5 milyon.
Bunsod ng tahasang panggigipit, bumababa ang tiyansa na magkaroon ng tunay na ligtas ang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante; damay rito maging ang bawat empleyado na naghahangad ng maayos na sweldo.
Mahaba pa ang listahan ng mga suliranin na kinakaharap ng malawak na komunidad ng mga mag-aaral. Mula sa paglobo ng presyo ng mga bilihin, patuloy na pagtaas ng pamasahe, 'di makataong sistema ng edukasyon partikular ngayong pandemya.
Dehado. Lugi.
Sa muling paghahari ng anak ng dating diktador, mas umiigting ang pangamba na sumadsad pa ang mamamayan sa lupa. Na mas lumala ang krisis na umiiral sa bansa. Inulan ng samu't saring kritisismo ang pagpili ng mga taong uupo sa iba't ibang sektor ng gobyerno na tila 'di tugma ang kakayahan at kredibilidad sa hinihinging aksyon ng trabaho. Pinakaperpektong halimbawa ay ang bise-presidente na inilagak sa departamento ng edukasyon na wala namang ideya sa tunay na danas ng mga guro at estudyante. Isa sa pilit na ikinakasa ni VP Sara Duterte ang paghukay sa kalansay ng Reserve Officer's Training Corps (ROTC) na ngayon ay nais pa na gawing mandatory o kinakailangang sundin ng lahat dahil nakabase ito sa batas. Katakot-takot ang kwento na kalakip ng aktibidad na ito. Matatandaan noong 2001 na ibinasura ang Mandatory ROTC program dahil sa pagkamatay ng UST student na si Mark Welson Chua. Hindi lang ito pugad ang power tripping kundi maging ng pamumulsa at korapsyon.
Sa mga nagdaan at kasalukuyang krisis sa edukasyon, tila nakalimutan na ang tunay na dapat pagtuunan ng administrasyon — mga kabataan at ang kanilang kinabukasan.
Sa bawat patak ng dugo
Sa pagnanais na bihagin ang mga kabataan sa isang artipisyal na tipo ng disiplina at pag-iisip, kinikitil ng mga makapangyarihan ang kanilang abilidad upang makapagpatuloy na mapanghawakan ang tunay na gampanin bilang mga mamamayan ng bansa. Binibgyang bagong bihis ang "pag-asa ng bayan", tinutumbasan bilang mga sunud-sunuran, kaysa bilang mga tagapagtaguyod ng karapatan at demokrasya.
Hindi natigil ang mga atake na siyang nagkukumpromiso sa kaligtasan ng mga mag-aaral. Kung kaya, kolektibong isinisigaw ang "hands off our students!"
Noong Setyembre 27, 2022 ay ibinahagi ng Saint Louis University SSC ang mga larawan ng pananakot at red-tagging sa kanilang mga mag-aaral. Gaya ng SLU, naging biktima rin ng pananakot at pambabanta ang UP Baguio. Tahasan ang redtagging sa unibersidad. Isang halimbawa na rito ang NSTP lecture noong Nobyembre 7 kung saan ang mismong panauhing tagapagsalita ang nanguna sa pagtuligsa sa mga progresibong organisasyon ng mga iskolar ng UP Baguio. Gayunpaman, nanatiling naninindigan ang sangkaestudyantehan ng pamantasan.
Gabay ang mga lider estudyante sa pakikiisa ng mga mag-aaral mula sa iba't ibang unibersidad upang makilahok sa kilos protesta para kondenahin ang naganap na pangre-redtag sa mga legal at lehitimong organisasyon ng mga kabataan sa UPB. Isa ito sa patunay na sa kabila ng danyos, patuloy sa pag-abot at pag–oorganisa ang mga lider ng laksa-laksang kabataan upang tapusin ang sistematikong abuso sa kanilang karapatang pantao.
Kakabit ng patuloy na paglaban ng mga mag-aaral para sa akademikong kalayaan ay ang laban para sa kalayaan sa pamamahayag. Ngunit gaya ng dati, ang paggamit ng dahas at pagdanak ng dugo ay nanatiling palasak sa administrasyong Marcos-Duterte II. Ang sino mang bumoboses o kumokondena sa hungkag na pamumuno ay siyang magiging puntirya ng administrasyon at ng kanilang hungkag na pamamaraan.
Marami ang namatay at pinatay para ikubli ang katotohanan. Kabilang ang mga mamamahayag dahil lamang sa ginagawa nila ang kanilang trabaho bilang tagapamandila ng katotohanan. Hanggang sa kasalukuyan patuloy ang ganitong sistema ng pagsiil at pagpigil sa pagsisiwalat ng katiwalian. Takot ang estado sa sinomang nagpapahayag ng katotohanan. Takot silang makita ang baho at ang disinpormasyon na kanilang ipinalalaganap. Lalo na na malaman ng mayorya, ng mga biktima ng kanilang kasinungalingan, ang kalansay na patuloy na kinukubli ng mapang-aping estado. Sapagkat kung may katotohanan, may resistensiyang magaganap at sa bisa ng resistensiyang ito ang siyang pakikibaka at paglubog ng mga mamamayan sa mga komunidad upang supilin ang kamalian na mayroon sa bansa.
Ang paglubog o pagpunta sa mga komunidad — kadalasan ay mga lugar na talamak sa disimpormasyon — ay isang progresibong paraan sa pagtuturo at pagmumulat sa mga mamamayan ukol sa mga sistematikong inhustisya na dulot ng estado. Ito ang unang hakbang sa pagkatuto at pagbabago. Sa tulong ng mga lider estudyante, mas napatitindi ang puwersa na kumakampi sa ipinaglalabang katarungan.
Laban sa disimpormasyon, laban sa eksploytasyon, at higit lalo sa redtagging — nangunguna ang mga kabataang lider sa pagsulong ng progresibong aksyon na hindi lamang nakasentro sa loob ng kani-kanilang pamantasan.
Pabalik na kayo? Nandito kami.
Sa kasalukuyan, patuloy na binabagtas ng mga progresibong mamamayan ang lansangan ng nakaraan patungong kaunlaran. Laban sa sistemang patuloy na nagkakait sa agarang aksyon, sila ay tumitindig. Ang hamon ay hindi lamang ang kaliwa't kanang krisis ng bayan, gayon na rin ang hindi mawakasang banta sa karapatang pantao.
Sa mga nagdaang taon, ang mga progresibong mag-aaral ang siyang pilit pinapatalima sa hindi makatarungang mekanismo ng gobyerno. Kung kaya, marami sa mga kabataan ang naging biktima ng panghahabas sa karapatang pantao. Nagbunga lamang ito ng mas matinding pagtiwalag sa hindi makamasang administrasyon.
Noong Oktubre 8, 2022 ay marka ng unang isang daang araw ng administrasyong Marcos. Nagtungo sa kahabaan ng Mendiola ang iba't ibang progresibong grupo, kabilang ang mga mag-aaral ng iba't ibang unibersidad, para sa kanilang mobilisasyon. Nagkalat sa lansangan ang iba't ibang karatula, "Marcos, peste sa magsasaka," "No to Mandatory ROTC," "Isulong ang pambansang minimum na sahod!" — ilan lamang iyan sa panawagan ng sambayanan. Hindi rin maikakaila ang mga batikos ng netizen sa social media platforms sa mga kabataang kabilang sa naganap na mobilisasyong ito at mga nakaraang kilos protesta.
Isa sa normal na linyahan ay ang "ang bata mo pa, ano bang alam mo?" ang mga ganitong pahayag ay nagpapatunay lamang na kahit suportado ang adhika ni Dr. Rizal na "kabataan ang pag-asa ng bayan," sa oras na bumoses o tumalima ang mga kabataan sa gobyerno, ituturing na silang walang muwang.
Sa kabila ng paniniwalang ito, isa ang mga kabataan sa mga nagsusulong upang makamit ang pagbabago na tunay na makamasa. Kaisa sila sa mga nagtutungo at lumulubog sa mga komunidad upang mas maintindihan ang mga bagay na sinasabing sila ay "walang muwang." Ang mga kabataang pinaparatangang "terorista" ang siyang nagbibilad sa lansangan upang ilaban ang mga isyung pilit na pumipilay sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Gamit ang lakas na mayroon sila, patuloy ang kolektibong pakikibaka para sa masa.
Araw ng pag-asa ng bayan
Sa krisis na hinaharap hindi lamang ng taong bayan kundi pati ang daang libong mag-aaral — budget cut, red tagging, MROTC — oras na para kolektibong manindigan para sa akademikong kalayaan at mapagpalayang pamamahayag.
Tuwing ika-17 ng Nobyembre ay ang sama-samang selebrasyon para sa International Student's Day. Ito ay ang pagkilala sa komunidad ng mga estudyante sa iba't ibang mga unibersidad sa buong mundo. Nakatahi rin dito ang pagpapatibay ng karapatan sa malayang akses sa edukasyon, seguridad, at kalayaan. Ngunit hindi natatapos dito ang laban ng mga kabataan; hanggang patuloy ang pagiging atrasado ng edukasyon sa bansa, hangga't bulok at palyado ang sistema, hindi makakamit ang tunay na bansang demokratiko.
"Kung 'di tayo kikilos, sinong kikilos? Kung hindi ngayon, kailan pa?"
Bilang mga estudyante at kabataan, malaki ang ambag natin sa laksa-laksang pwersa na titindig para sa pagbabago kasama ng malawak na linya ng masa. Hilaw man sa paningin, ngunit unti-unti hihinog rin sa pamamagitan ng kolektibong paglubog sa mga komunidad at masikhay na pag-aaral sa lipunan. Sama-samang babagtasin ang lansangan bitbit ang samu't samuring panawagan para sa araw ng ating komunidad.
Ito ang hudyat ng mas marami pang pagtindig at pagkalampag, mga kabataan ay patuloy na lalaban mula sa pamantasan hanggang sa kasuluk-sulukan!
Isinulat nina: Jallen Rose AƱata & Moises Caleon
Dibuho ni: Justine Antonio Cueva
No comments:
Post a Comment