Nanindigan si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag nitong Lunes na hindi siya susuko kahit pa silbihan ng warrant of arrest hangga't si Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla ay nananatili sa posisyon.
"Definitely haharapin ko ito kasama ng aking mga supporters pero kung hindi tumalima si Boying, si SOJ na mag-step down ay hindi ako susuko kung may warrant (of arrest) ako," pahayag niya. "Bakit ako susuko eh di niluto na naman nila ako, pero pag wala si Boying, yan pwede na akong sumuko."
Si Bantag ang itinuturong mastermind sa likod ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, na mariin niyang pinabubulaanan.
Inaasahang sisilbihan ng DOJ ng subpoenas si Bantag at iba pang mga personalidad na sangkot sa kaso sa Lunes.
Iniahayag ni Bantag nitong nakaraang linggo na haharapin niya ang murder complaints "like a man," subalit binigyang-diin na nalalagay siya sa panganib hangga't kinokontrol umano ng Department of Justice (DOJ) secretary ang kaso.
Iginiit ni Bantag na inosente siya at inakusahan si Remulla na siyang nag-utos sa preso na si German Agojo na i-contact ang iba pang personalidad na dawit sa kaso upang isagawa nag krimen.
Sinabi ng suspended BuCor chief na ginamit angg murder case upang tanggalin siya sa pwesto, at sinabing maraming sindikato ang galit sa kanya at gagawin ang lahat upang alisin ang sinumang opisyal na galit sila mula sa pwesto.
Tugon ng DOJ nitong nakaraang linggo sa mga alegasyon ni Bantag, maganda ang relasyon nina Remulla at ng suspended Bucor chief noong una. Subalit, base kay Bantag, namanipula siya.
"Pinasakay lang ako nitong si Boying. Sinasabi nya nga 'Boss ko rin si '(former President Rodrigo) Duterte'… parehas tayo eh di 'Salamat Sir,' puro ganon ako. Maganda talaga ang pinapakita nya," paglalahad ni Bantag.
"Pinagdikit-dikit ko yung ginagawa nya, kung baga minanipulate nya ako. Ang galing nya, napakagaling nyang politiko," dagdag niya.
Sinabi rin niya na mas mainam na makausap niya ang pamilya Mabasa sa proper forum dahil kontrolado na umano ni Remulla ang sitwasyon upang hindi na niya makausap ang pamilya.
Sa kasalukuyan ay wala pang komento si Remulla ukol dito. Kasalukuyang nasa Switzerland ang kalihim upang dumalo sa Universal Periodic Review ng United Nations Human Rights Council.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment