Sa pagtatapos ng taon, sunod-sunod na niratsada sa House of Representatives ang pagsasabatas sa House Bill (HB) No. 6687 o National Citizens Service Training Program Act at HB No. 6608 o Maharlika Investment Fund noong Disyembre 15.
Matapos isertipika ni Marcos Jr. na "urgent" ang mga nasabing panukala, maraming kabataan at iba't ibang sektor ang mas nagpaingay ng kanilang pagtutol sa dalawang batas na naipasa sa final reading ng House of Representatives sa rasong hindi ito makakatulong sa pagpapa-unlad ng bansa at magiging isang paraan umano ito upang makalamas sa kaban ng bayan.
Tanghali nang naipasa sa second ang HB 6687, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kabataan mula sa iba't-ibang pamantasan, kabilang ang ilang mga iskolar ng bayan, hawak ang kanilang mga panawagan na tumututol sa pagpasa ng NCST na nagbabalat-kayong Mandatory ROTC.
"Nangangamba na ang mga kabataan sa kanilang oras na dapat nakalaan sa kanilang pag-aaral at iba pang gawain. Ito ay dulot ng pagraratsada ng Mandatory ROTC, ninanakaw niya (Marcos) ang ating bukas," ani Miguel Ochobillo ng Kabataan Partylist Pasay.
National Citizen's Service Training o House Bill 6687
Layon ng panukalang ito na palitan ang isang taong National Service Training Program (NSTP) at gawing Mandatory 2-Year National Citizens Service Training Program (NCSTP) kung saan nakapaloob ang military training.
Matatandaang sa NSTP ay may kalayaang pumili ang mga estudyante kung ano ang nais nilang kunin at boluntaryo ang pagpasok sa Reserve Officer Training Corps (ROTC) ngunit sa loob ng NCSTP ay sapilitang papapasukin ang mga estudyante sa military training na dadagdag pasakit at gastusin dahil sa uniporme nito at iba pang pangangailangang kagamitan.
Noong December 6, dumalo sa ratsadahang first Committee hearing bilang resource speaker si PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral Vice-President at Defend PUP Convenor na si Benhur Queqquegan kung saan tinalakay ang pagpapatupad ng NCST.
"Walang sapat na batayan upang palitan pa ang kasalukuyang NSTP. Nariyan pa rin naman ang ROTC ngunit on voluntary basis ito. Nariyan ang iba pang options gaya ng Literacy Training Service (LTS) at Civic Welfare Training Service (CWTS). Lahat ito ay may disaster risk reduction, survival, community work, at iba pang curriculum na sinasabing papasok din naman sa NCST," ani ni Queqquegan.
Iginiit ng mga kabataan ang marahas na nangyari noong naipanukala ang ROTC at ang mga karumal-dumal na nangyari dito kasama na ang pagpaslang kay Mark Welson Chua na isang cadet sa University of Sto. Tomas matapos isiwalat ang mga katiwaliang nangyayari sa loob ng UST ROTC.
Sa kasaysayan ng PUP, apat ang naitalang kaso ng abuso na siyang pinangangambahan pang magpatuloy lalo ngayon sa banta ng militarisasyon sa loob ng pamantasan at ang lantarang pangre-redtag ng estado sa mga iskolar ng bayan.
Nagbigay din ng pahayag ang iba't ibang estudyante sa loob ng pamantasan ng PUP ukol sa batas na ito, partikular ang mga mag-aaral ng Senior High School na direktang maaapektuhan ng mandatory ROTC, kasama ang mga kolehiyo.
"Hindi karapat-dapat magkaroon ng ROTC sa kahit anong pamantasan sa panahon ngayon kung saan malaking isyu ang krisis sa ekonomiya at edukasyon. Dagdag gastos din ito sa gobyerno pagdating sa ROTC sa bawat paaralan dahil walang tulong ito sa pagsosolusyon sa krisis ekonomiya. Marami pa ang nararapat solusyonan ng pamahalaan sa bansa, hindi sagot ang mandatory ROTC sa maayos na pag-aaral," ani estudyante mula sa PUP SHS.
Matatandaang noong 2019 tinangkang ibalik ng administrasyong Duterte ang MROTC sa panguguna ni Senator Win Gatchalian at lumabas na kinakailangan ng P38-Bilyon na pondo bawat taon kung ipapatupad ito sa 11,817 na pampublikong Senior High Schools.
Maharlika Investment Fund o House Bill 6608
Maraming mga ekonomista at eksperto ang nagpahayag ng kanilang pagtutol sa panukalang ito dahil sa banta na maging ugat ng korapsyon katulad na lamang ng nangyari sa Sovereign Wealth Fund ng Malaysia na kung saan itinakbo ng kanilang Prime Minister ang pondo nito.
Ang nasa likod ng batas na ito ay ang pinsan ng ni Marcos Jr. na si House Speaker Martin Romualdez at iba pang mga mambabatas kasama na ang asawa ni Romualdez na si Yedda Romualdez na representative ng Tingog Partylist, at anak ni Marcos Jr. na si Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos.
Matatandaang ang bansa ay may higit P13.5-Trilyon na utang kung kaya't umaalma ang ibang mambabatas kung paano at saan hahatakin ang pondong ilalaan sa batas na ito.
"This is a poorly and hastily designed sovereign wealth fund that has all the indications of opening pathways to corruption and unscrupulous use of public funds, as this proposal institutes various regulatory exemptions to the Maharlika Investment Corporation," ika ni Gabriela Partylist Representative Arlene Brosas.
Iginiit din ng iba't ibang grupo na ang batas na ito ay hindi maka-tao't hindi magiging sagot sa krisis ng bansa bagkus lilikha lamang ito ng bagong korapsyon na mas lalong magpapahirap sa sambayanang Pilipino.
"Sistematiko ang pagbabagong kailangan upang makawala ang mamamayang Pilipino mula sa tanikala ng kahirapan at pagsasamantala. Kinakailangang gawing prayoridad ang kapakanan ng mga manggagawa at magsasaka. Nararapat na isulong ang pambansang industriyalisasyon at tunay na reporma sa lupa, hindi ang pagpapakatuta sa neoliberal na dikta ng mga imperyalista at dayuhan," ani Elmer 'Ka-Bong' Labog ng Kilusang Mayo Uno sa isang facebook post nito.
: Vince Bingayan
No comments:
Post a Comment