ni: Marc Almonicar
Kasapakat ng laban sa lupa ang laban din para sa buhay at karapatan ng mga magsasaka. Sa lente ng mga inaapi, ang pag-usbong ng konpliksyon sa lupa ay buhat ng opresado't gahaman na pamalalakad ng mga naghaharing uri ng lipunan.
Ngayong taon, tanda ng ika-18 taong anibersaryo ang masalimuot at madugong tunggalian sa pagitan ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Central Azucarera de Tarlac ng Hacienda Luisita at ng mga Cojuangco.
Kasapakat nito ang mahabang serye ng pakikibaka ng masang anakpawis para sa lupa, sahod, trabaho, at karapatan. Lagda ng nagdaang labing walong taon na pagmasaker ng oligarkang Aquino-Cojuangco at ng estado ang opresyong patuloy pa ring nararanasan ng mga kababayan nating magsasaka at manggagawa hanggang sa kasalukuyan.
Sa laban na itinaguyod para sa lupa, hindi naging madali ang pagpapayabong ng laksa laksang puwersa upang tambulin ang panawagan; sa mata at taenga ng mambabarat na estado.
Kung kaya't napagpasyahan ng binubuong puwersa ng mga manggagawang bukid at magsasaka sa wangis ng United Luisita Worker's Union (ULWU) at Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) na paingayin ang kanilang mga hinaing. Bumuo ng mga alyansa't asembliya upang pakilusin ang buong komunidad, kabilang na ang 11 barangay na sakop ng naturang Hacienda. Yun ay upang gambalain ang mga natutulog na Cojuangco.
Kung babalikan sa kasaysayan, pinautang lamang ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang mga Cojuangco upang sakupin nito ang nasa mahigit 6,000 ektaryang lupain sa probinsya ng Tarlac sa kondisyong ipapamahagi ito pagkatapos ng itinakdang taon base sa kontratang pumapagitan sa dalawang panig. Ngunit paglipas ng mahabang panahon, binigo't binuwag ng mga gahamang Cojuangco ang kasunduan.
Dagdag pa rito ang nakasasakal at mapagbalatkayong batas na isinulong ng noo'y rehimeng Aquino ang huwad na CARP o ang Comprehensive Agrarian Reform Program Law na ang pakay ay mas punan ang interes ng mga panginoong may lupa. Lalo na't ang nagpromulga ng batas na ito'y kundi si Cory Aquino ay mula sa hanay ng mga ganid sa lupa; ang mga Cojuangco.
Gumagawad lamang ang CARP ng kapangyarihan sa mga panginoong may lupa na pangasiwaan at kontrolin ang kabuuang kalakaran ng lupaing sinasaka ng mga magbubukid. Bunga nitong lantarang panlilinlang at pamamasista ng estado ang masidhing kahirapan sa kalagayan ng mga kababayan nating magsasaka.
Kung kaya't makalipas ng ilang taon, napagpasyahan ng buong komunidad ng Hacienda Luisita na mag organisa't umaklas laban sa hindi makatarungang pagtrato ng mga Cojuangco at ng noo'y rehimeng Arroyo. Sa ilang araw ng pagwewelga ng buong komunidad, hindi naging madali ang paggaod at pagkilos lalo na't ang kanilang mga karit ay pinapatauban ng mga bala't baril na maaaring marahas na baklasin ang kanilang lipon.
ang sumapit ang Nobyembre 16 taong 2004, naganap na ang isa mga pinaka masalimuot na insidente na kumitil sa 7 na katao, nasa mahigit 40 naiwang sugatan, habang nasa 133 welgista naman ang ilegal na inaresto.
Sa ganoong punto, tanaw ang pangbabalasubas ng mga makakapangyarihan at naghaharing uri na patuloy na kumikitil sa karapatan ng masang anakpawis para isulong ang tunay na reporma sa lupa. Ang malalim na ugat ng tunggalian sa lupa ay sistematikong umiiral mula sa mga polisiyang ipinapatupad ng estado.
Imbis na pagtuunan ng pansin ang mga sakahan, nagsisilbing pinsala pa ang pagpapatayo ng naglalakihang industriya at kompanya ng bansa na hindi rin nalalayo ang ugnayan sa mga mapanlinlang na kapitalistang dayuhan.
Sa ganoong ugnayan, hindi na magpapaligoy ligoy pa ang estado na umangkla sa interes ng mga dayuhang namumuhunan na nagpapautal sa mga ito—kapalit ng murang lakas paggawa at mga hilaw na materyales.Bunga ng mga iyon ang patuloy na pagdurusa ng mga magsasaka buhat ng mga neoliberal na polisiya na tanging pakay lamang ay punan ang naglalaway na pagkagusto ng mga kapitalista.
Sa naitalang datos ng IBON Foundation noong taong 2018, sumampa sa 31.6% ang sektor ng agrikultura bilang isa sa mga sektor ng lipunan na patuloy na naghihikaos. Kalakip din nito ang pag-inda ng sektor sa mahigit 1.4 milyong kaso ng kawalan ng trabaho at hanapbuhay mula 2017 hanggang 2019. Dagdag pa rito ang annual growth nito na 2.1% average lamang mula 2017 hanggang 2019 na sumasaklaw lamang sa maliit na bahagi nito sa Gross Domestic Product (GDP) ng ekonomiya ng bansa na tinatayang nasa 7.8 % lamang noong taong 2019.
Kapansin pansin sa mga datos na ito ang matinding panggigipit ng estado sa sektor ng agrikultura bunga ng pananatili nito sa puder at kondisyon ng mga pambansang burgesya at dayuhang namumuhunan. Sa pamamagitan ng basbas na napagkasunduan ng Pilipinas at ng imperyalismong US at China sa usaping pandayuhang pagmamay-ari, mas nagagawaran ng pansin ang mga kapitalistang bansa kaysa dapat pagsilbihan nito — ang mga magsasaka at manggagawa.
Patuloy na nalulugi ang masang anakpawis at nalalayo na ang naturang sektor sa pawang konsepto na lamang na "agrikultural na bansa ang Pilipinas". Ngunit hindi rin nagkakalayo ang mga lohikal na pahiwatig nito sa pabirong politikal na pahayag na "ang tanging industriya na mayroon lamang ang Pilipinas ay show business."
Hangga't nagpapakatuta ang estado sa personal nitong interes at ng mga kapitalistang namumuhunan, patagal nang patagal ay nagiging atrasado ang tiyansa na magwagi ang minimithing reporma sa lupa. Ngunit hindi iyon nagpapakahulugan na magpapatalo na lamang ang masang anakpawis, sapagkat hindi pa rito natatapos ang pakikibaka.
Sa muling pagtanaw at paggunita sa esensya ng Hacienda Luisita Massacre, binabalik tayo nito sa realidad na napapanahon ang opresyon sa mga magsasaka. Gayun din sa paraan ng pakikipagkalaran at pakikipag sanggunian ng estado sa mga kapitalistang dayuhan upang pataasin ang lebel ng kompetensyang pang ekonomya na mas lalo lamang bumubusog sa hangarin ng mga imperyalismong bayan gaya ng U.S.
Hindi lamang sa ekonomikal na aspekto nito bagkus sa kung paano pinapalagablab ng opresadong pagtrato ang hangarin ng masang anakpawis na magrebolusyon.
At tumatanglaw ang opresyon na ito sa reaksyunaryong tugon ng estado na gamitan ng dahas ang pagbubuwag ng mga nagkakaisang masa.
Kasapakat nito ang mga insidenteng pumapatungkol sa serye ng pakikibaka para sa lupa ang nangyari kamakailan lamang sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac na kung saan ay ilegal na inaresto ng reaksyunaryong hanay ng kapulisan ang nasa 83 na magbubukid, mamahayag, at aktibista na nag asembliya lamang upang ipaglaban ang kanilang karapatan.
Sa kabutihang palad ay ibinasura ng korte ang mga gawa gawang kaso ng mga pulis na siyang pilit na bumabaklas sa kanilang asembliya. Ngunit patuloy pa ring humaharap ang mga magsasaka ng Tinang sa hindi makatangurang kalakaran sa loob ng mismong lupa na kanilang sinasaka.
Gayun din ang mga sunud-sunod na insidente ng pasismo sa lupain ng mga katutubong Lumad sa Mindanao. Sa nagdaang taon, naitala ang kaso ng mga pangdarahas ng estado sa mga lumad na nag udyok sa kanila na lisanin ang kanilang mga tirahan at sakahan dulot ng masahol na pagtingin ng noo'y rehimen at berdugong Duterte. At sa kasalukuyan, patuloy na binabaka ng mga kababayan nating Lumad na makamtan ang kanilang lupang ninuno.
Kung kaya't ang insidente sa Hacienda Luisita noong 2004 ay ilan lamang sa mga insidenteng pilit tumatatak sa mamamayan; ang hindi makatarungang sistema na nagpapakita ng hayag na tunggalian at pagkakahati sa pagitan ng dalawang magkaibang uri. At repleksyon ito sa mga nagdaang rehimen kung saan lumolobo ang kaso ng mga pagpapapaslang sa mga magsasaka at mga aktibista na ang tanging intensyon lamang ay ipaglaban ang reporma sa lupa, trabaho, sahod, at karapatan.
Buhat ng pasistang kamay na bakal, nananatiling hati ang pagtingin ng mga magbubukid sa magiging tugon nila. Kaya hamon sa ating mga kabataan na paingayin ang mga hinaing ng uring anakpawis. Mulatin, organisahin, at pakilusin ang lipon ng uring inaapi hanggang sa marating nito ang kasukdulan ng pakikibaka na siyang tatalima sa kung ano nararapat na matamasa ng masa.
Hindi matatapos ang giyera sa kanayunan kung ang interbensyon ng pasismo'y nagmamarka sa mga tubo't palay sa kabukiran. Kung patuloy at lantaran ang pagbugso ng militarisasyon at paggagawad ng estado ng awtorisasyon sa mga panginoong may lupa, walang katapusan ding mangyayari ang armadong tunggalian sa pagitan ng uring mapang-api at uring inaapi. Patuloy na dumadagak ang dugong palaban at ang dugong bunga ng masidhing karahasan sa katauhan ng militar at kapulisan.
Kung kaya't ang tanging paraan lamang ay ang pagsulong ng tunay, komprehensibo, at makatotohanang reporma para sa lupa. Isabatas ang GARB o ang Genuine Agrarian Reform Bill. Dingin ang panawagan para sa umento sa sahod, subsidiya, at produksyon.
Gawing sentralisado at pambansa ang sektor ng agrikultura bilang pangunahing market ng pamahalaan, hindi ng ninuman. Patatagin ang karapatan ng mga magbubukid at manggagawa na mag organisa at kumilos sa bisa ng pagsulong ng GARB. Ibasura ang mga mapagsamantalang neoliberal na polisiyang wumawangis lamang sa interes ng imperyalismog US at China na patuloy na nagiging sagka sa tunay o dapat na hubog ng ating ekonomiya.
Kasabay na pagbuwag sa mga neoliberal na polisiya sa ekonomiya ang pagbuwag din sa neoliberal na edukasyon. Payabungin ang pag-aaral ng agrikultura sa mga pamantasan na dapat umaangkla lamang sa kung saan, sino, at ano ang pagsisilbihan nito—yun ay ang masang Pilipino lamang.
Sa paggunita ng ika 18 taong mapait na anibersaryo ng Hacienda Luisita Massacre, bilang nasa malawak na hanay ng kabataan at ng masa, patuloy tayo nitong inilalapit sa esensya ng pakikibaka alang alang lamang sa ating pangunahing puwersa—ang mga magsasaka. Marami nang insidenteng kumitil sa buhay ng mga magsasaka at akbitista at pilit pa iyon pinagpapatuloy ng naghaharing uri. Subalit patuloy lang dapat tayo nakahanay sa linyang masa, kahit ano pa man ang maging kapalit.
Kung sa perspektibo nating mga kabataan, para sa masa, kailanma'y hindi magpapakaalila, at kung sa perspektibo ng mga magbubukid, para sa lupa, kailanma'y hindi pasisiil.
No comments:
Post a Comment