Alinsunod sa suliranin ng tapyas-pondo sa mga unibersidad sa bansa, kumakaharap ngayon ang sangkaestudyantehan sa nagkakaisang pagtutol sa niraratsadang Mandatory Reserve Officers' Training Corps (MROTC) sa bagong bihis nito na House Bill 6687 o National Citizens Service Training Program (NCSTP) kasama pa ang 26 na konsolidadong panukala hinggil sa ROTC.
Layon ng pundamental na panukala ng NCSTP na pag-isahin at gawing sapilitan ang dating mga programa sa National Service Training Program (NSTP) — ang Literacy Training Service (LTS), Civic Welfare Training Service (CWTS), at ROTC. Gayundin, ang pagmamandato sa pagsapi sa reserved army ng mga estudyanteng nakapagtapos ng apat na semestre ng NCSTP.
Noong Disyembre 6 lamang, nagkaroon ng agarang sesyon ang Committee on Higher Education at Committee on Basic Education and Culture upang pag-usapan ang pag-amyenda sa Republic Act 9163 o ang "National Service Training Program (NSTP) Act of 2001" para sa NCSTP Bill na siyang gumulantang sa grupo ng mga kabataan dahil sa biglaan nitong pagdedesisyon ng deliberasyon nang walang 3-day notice.
"Walang sapat na batayan upang palitan pa ang kasalukuyang NSTP. Nariyan pa rin naman ang ROTC ngunit on voluntary basis ito. Nariyan ang iba pang options gaya ng Literacy Training Service (LTS) at Civic Welfare Training Service (CWTS). Lahat ito ay may disaster risk reduction, survival, community work, at iba pang curriculum na sinasabing papasok din naman sa NCST," ani PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral Vice President Benhur Queqquegan sa Committee hearing.
Samantala, nitong Disyembre 15, isang araw matapos isertipika ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na siya ring principal author ng nasabing panukala, ang NCSTP Bill bilang "urgent" ay aprubado na agad ito sa 2nd reading at 3rd and final reading sa kabila ng laksa-laksang pagtutol dito ng sangkaestudyantehan sa bansa.
"Binabanggit na 'urgent' kaya minamadali, pero ang tunay na 'urgent' sa amin [sangkaestudyantehan] ay ang aming karapatan sa edukasyon — dagdag pondo sa SUCs, pagharang sa pagtaas ng matrikula, at pamamahagi ng student aid — hindi ang pagratsada ng mga anti-estudyanteng panukalang batas," diin ni National Union of Students of the Philippines Joshua Aquiler.
Militarisasyon, dala ng Mandatory ROTC
"Sinasabing 'consensus bill' ang pinagtatalakayang gawing mandatory ang NCST, pero nasaan kaming mga estudyante sa 'consensus' na ito? Kaming stakeholders, kaming mga estudyante ang pangunahing maaapektuhan ng panukalang batas na iyan, pero kami mismo ay naninindigang hindi iyan ang aming kailangan," diin ni Queqquegan.
Nitong Nobyembre 29, iginiit ni National Youth Commission (NYC) Chairperson Ronald Cardema sa isang senate hearing na mayroong may gusto sa senior high at college ng ROTC curriculum.
Subalit mula sa nagkakaisa at sunod-sunod na pagkilos ng grupo ng mga kabataang estudyante, lumalabas na dadami lamang ang pasanin na dulot ng MROTC gaya ng dagdag gastusin sa magulang, paglobo ng mga gawain sa eskuwelahan, at ang banta ng militarisasyon sa mga kampus.
"Nangangamba na ang mga kabataan sa kanilang oras na dapat nakalaan sa kanilang pag-aaral at iba pang gawain. Ito ay dulot ng pagraratsada ng Mandatory ROTC, ninanakaw niya (Marcos) ang ating bukas," ani Miguel Ochobillo ng Kabataan Partylist Pasay.
Marami pang konsolidadong panukala para sa ROTC gaya ng HB No. 6486, 503, 639, 2174, 2628, 3035, 3045, 3513, 3613, 3637, 4019, 4083, 4105, 4500, 6136, 1692, 2339, 2759, 3090, 3437, 3450, 4872, 4308, 5217, 4590, at 6078.
Subalit, iisang lamang ang layunin nito — na ibalik ang pagmamandato ng ROTC sa loob ng apat na semestre upang makapagpalaganap ng militarisasyon sa mga pamantasan at sapilitang isalang ang mga kabataan sa military training upang umano'y pukawin ang diwa ng huwad na nasyunalismo.
"Kung seryoso ang gobyerno na i-uplift ang diwa ng nasyunalismo at pagsisilbi sa komunidad at bansa sa kabataan, dapat nating i-promote ang pagtuturo ng History at Filipino subjects. Maaari ring i-expand pa ang NSTP at idagdag sa programang ito ang community service program, health and nutrition program, disaster preparedness program, at human rights education," ani Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas.
Ayon pa kay Atty. Spocky Farolan, magkakaroon ng military component ang programa na tatawaging 'The Citizen Soldier Training Component' kung saan paghuhusayin ang mga kabataan upang maging citizen soldiers o army reservists ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Citizen Armed Force.
Ngunit, ang pagpapatupad ng panukalang NCST ay siya ring tuluyang pagbabalewala at pagbuwag ng PUP-DND Accord, isang kasunduan tungkol sa pagbabawal ng anumang presensya o operasyon ng kapulisan at militar 50 metro mula sa loob at labas ng pamantasan. Maigting din na ipinagbabawal sa mga armadong kapulisan ang manghimasok sa mga paaralan bilang banta ito sa akademikong karapatan.
Diin ng Defend PUP na sa lumalalang redtagging ng estado sa mga kabataan at iskolar ng bayan, hindi malabo na gamitin ang NCST Program upang manmanan, tiktikan, intimidahin, abusuhin, at lantarang supilin ang kalayaan ng mga estudyante sa loob ng paaralan.
Dagdag pa, ani Karapatan Secretary General Cristina Palabay, ang pagtutulak upang muling maibalik ang mandatory military service ay isang paraan ng paglabag sa karapatang sibil at politikal, kalayaan sa paniniwala, lalo pa at ang posibilidad ng mandatory military service ay maaaring maging daan sa pwersahang serbisyo sa gyera upang maipaglaban ang estado.
Pagtutol ng mga Kabataang Estudyante
"In the implementation of National Citizens Service Training and mobilization system, strict monitoring and evaluation and accountability shall be observed to prevent all forms of abuses, corruption, hazing, torture, data privacy rights violation, and all forms of violation of human rights," ani Congressman Jude Acidre.
Sa unang reading pa lamang ng mga panukalang hinggil sa ROTC, samu't sari na ang naging pagtutol ng sangkaestudyantehan sa programang ito sapagkat nakasalaysay sa kasaysayan nito ang kultura ng impunidad, illegal hazing, abuso, torture, at korapsyon.
Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), apat ang naitalang kaso ng abuso sa kasaysayan ng ROTC. Isa rito ay noong 2014 kung saan dalawang kadete ang tinanggal matapos akusahan ng biktima na sumailalim sa hazing dahil hindi ito nakadalo sa kanilang briefing night.
Pahayag pa ni Queqquegan na huwad ang nasyunalismong gustong ipataw sa sangkaestudyantehan ng NCST, bagkus ay blind obedience para maging sunud-sunuran at instrumento ng mapanupil na estado ang kabataan.
"Hindi nasyunalismo ang natutunan ng estudyanteng pinagbabantaan ng parusa o abuso kung di siya susunod sa iisang tinakdaang gupit, tindig at pag-iisip ng mga mas nakatataas sa kanya – bulag na pagsunod ang natututunan niya. Kikilos sila ayon sa takot sa kapangyarihan hindi batay sa sariling pagmamahal sa bayan. Hindi sapilitan ang pagiging makabayan," ani No to Mandatory ROTC network Convenor Lance Avery Alo.
Isa rin sa kilalang biktima at naging hudyat para tuluyang ibasura ang masahol ng programa ay ang kaso ng kadeteng si Mark Welson Chua mula sa Unibersidad ng Santo Tomas kung saan matapos niyang ilantad ang korapsyon sa programa ay walang habas na tinortyur at pinatay ng mga opisyales noong 2001.
"Walang tamang panahon para ibalik ang Mandatory ROTC dahil ang ginagawa lang naman nito ay ang pagtatanim sa kabataan ng kultura ng karahasan, korapsyon, at abuso," pahayag ni Alo.
Ayon din kay Atty. Farolan, tututukan ng ROTC curriculum ang Civic Duty, Individual Survival and Safety Skills (CPR, BLS, First Aid, Survival and Rescue Swimming), at iba pa. Magpapamahagi rin ng subject modules sa community emergency and disaster management, humanitarian logistics, at iba pang patungkol sa large scale o mass disaster response ng gobyerno.
"Magpapadala ng Mandatory ROTC module, pero sa PUP, hindi nagpadala ng maayos na module. Tagpi-tagpi pa. Dagdag pang tapyas na sweldo sa mga propesor," ani PUP College of Communication Student Council President Ronjay Mendiola noong nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kabataan sa tarangkahan ng PUP Main.
READ: NEWS | Balik-tanaw sa dalawang taong sapalaran ng pamantasan sa pandemya
Dagdag pa rito, mula noong nanalasa ang bagyong Paeng sa bansa nitong Oktubre, labindalawang rehiyon ang umaabot sa halagang P4.5B ang napinsala, at ngayo'y patuloy pa rin nanghihingi ng tulong at ayuda.
Noong 2019, nang tangkain ni dating Senador Win Gatchalian na ibalik ang MROTC sa rehimen ni Duterte, lumalabas na kinakailangan P38-bilyon na pondo bawat taon kung ipapatupad ito sa 11, 817 na pampublikong Senior High School. Samakatuwid, labis-labis na pondo ang ilalaan ng gobyerno sa military funds upang maisakatuparan ang NCST program.
"Habang patuloy ang krisis sa edukasyon, ekonomya, at kalusugan, inuuna ng estado ang isang programang nagbibigay ng hungkag na patriotismo at nasyonalismo. Ang ating sagot ay No to MROTC at itulak ang 100% safe, accessible, and quality resumption of physical classes. Ligtas na balik eskwela," diin ni Alo.
: Virg Magtira at Aika Martiniano
: Jessica Tiamzon
No comments:
Post a Comment