Muling naging aktibo ang mga scammer sa text at tawag sa cellphone dahil sa pagpapalawig sa SIM card registration ng 90 araw.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan Uy na simula ma-extend ang registration noong April 26 ay naging aktibo muli ang mga scammer at nagdodoble-kayod sa panloloko sa publiko.
"Ngayong nagpa-extend po ng SIM card registration, medyo dumami po na naman ang scammers dahil nabigyan po sila ng panahon upang ituloy ang kanilang mga masasamang balak na manloko sa ating mga kababayan," ani Uy.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na dapat matapos kaagad ang registration ng lahat ng SIM card users at hindi na hintayin pang umabot sa June 26 deadline para wala ng malolokong mamamayan.
"So mas maigi po kung mas madali nating matapos itong SIM card registration at putulin na natin itong mga scammers na gumagamit pa ho ng mga unregistered SIM cards sa panloloko; the sooner the better for all of us po," dagdag ni Uy.
Batay sa record ng DICT nitong May 10, umabot na sa 95 million ang mga rehistradong SIM card ng mga telecommunications company.
Sinabi ni Uy na maganda ang resulta ng pagpapalawig sa SIM card registration at umaasa silang aabot sa 100 million ang magpaparehistro bago matapos ang extended dealine.
"Medyo mataas na po ang ating mga registration ng SIM card – 95 million, so maganda po itong resulta. We're expecting about maybe 100 million or more less ang total registration ng SIM card po. So, we're getting there. Kung tutuusin kung iyan hong estimate na 100 million more or less ang lehitimong SIM card registration, we're at 95%," wika ni Uy.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment