Palyado na ang halos 100,000 vote counting machine (VCM) na ginamit sa mga nagdaang halalan noong 2016, 2019 at 2022, ayon sa isang opisyal ng Commission on Elections (Comelec).
Sa panayam ng programang `The Chief' sa One News nitong Huwebes ng gabi, sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na nasa 98,000 VMC ang hindi na puwedeng gamitin pa sa eleksyon.
Aniya, nalagpasan na ng mga VCM ang lifespan na limang taon at hindi na rin makahanap pa ang Comelec ng supplier ng spare parts para sana makumpuni ang mga makina.
Bukod sa mga VCM na sira na talaga aniya, mayroon pang 800 makina ang pumalya sa mismong araw ng eleksyon noong 2022.
Kaugnay nito, umaasa naman ang Comelec na tutulungan sila ng Kongreso na makabili ng mga bagong VCM sa ilalim ng panukalang budget ng poll body.
Pero sinabi ni Laudiangco na ang kailangan nilang mga bagong makina ay dapat na mayroong optical mark reader (OMR) at direct recording electronics (DRE) na may touchscreen technology.
Ayon sa Comelec spokesperson, magagamit ang OMR sa national at local elections habang ang DRE ay puwedeng gamitin sa halalan na kaunti lamang ang botante tulad ng plebisito at special elections.
BECCA DANTES – HN HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment