Nagsagawa ng lunch break protest nitong Biyernes, Hunyo 23, ang mga health worker mula sa tatlong specialty hospital ng gobyerno upang ipanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na taasan ang kanilang suweldo at gawing P33,000 ang entry level salary.
Kabilang sa mga lumahok sa protesta ang mga health worker mula sa Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines at National Kidney and Transplant Institute (NKTI).
Ayon kay Salome Ejes, presidente ng Philippine Heart Center Employees Association-Alliance of Health Workers, patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin pero bumababa naman ang halaga ng piso.
Hinaing naman ni Edwin Pacheco, presidente ng NKTI Employees Association, bagama't mayroong 21,038 na bakanteng plantilla position sa Department of Health (DOH), marami sa kanilang hanay ang kinukuha bilang kontraktwal o walang permanenteng posisyon.
Patuloy din ang panawagan ng mga health worker para sa agarang pagpapalabas ng kanilang overdue na Health Emergency Allowance mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon maging ang performance-based bonus noong 2021 at 2022 na hindi pa umano ibinibigay.
Banta ng mga health worker na patuloy silang magsasagawa ng mga kilos-protesta habang papalapit ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gaganapin sa Hulyo 24.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment