Nitong mga nakaraang buwan, madalas nating marinig o mabasa sa balita na ang pagkaantala sa pagsasagawa ng mga proyekto ng gobyerno, tulad ng pagpapalapad ng kalsada o paggawa ng bagong mga daan o highway, dahil sa usapin ng right-of-way o ROW.
Ang ROW ay naging madalas mapag-usapan dahil na rin sa infrastructure program ng administrasyon na tinatawag na "Build, Build, Build." Ito ay isang komprehensibong programa na nagbibigay ng prayoridad sa pagtatayo ng mga bagong imprastraktura upang mapabilis ang pag-unlad sa bansa.
Pero ano nga ba ang right of way at bakit isa ito sa mga suliranin ng ating gobyerno pagdating sa paggawa ng mga proyekto nito? Ayon sa DPWH Right-of-Way Acquisition Manual o DRAM, ang right of way ay isang bahagi o ang kabuuan ng isang ari-arian, site or location, na may tukoy na pisikal na mga hangganan, na gagamitin o kinakailangan ng gobyerno para sa mga proyektong pangimprastraktura nito.
Sa ilang di maiiwasang pagkakataon, ang mga lugar na kakailanganin ng ating gobyerno para sa mga proyekto na makakatulong ng malaki sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng ating bansa, ay may pribadong nagmamay-ari o may mga nagpapahayag na ang ari-arian ay kanila o sila ang may karapatan.
At dahil maraming mga batas ang ating bansa na nangangalaga sa kapakanan at karapatan ng mga mamamayan nito, hindi maaaring basta na lamang kunin ng ating gobyerno ang mga naturang pribadong ari-arian ng hindi dadaan sa tamang proseso na naaayon sa batas.
Nariyan ang problema sa kung kanino nakapangalan ang titulo ng isang lupain. Maaaring ang orihinal na may-ari ng isang ari-arian ay pumanaw na at hindi ito nailipat sa kanyang mga tagapagmana, o kaya'y hindi na naninirahan sa naturang ari-arian ang orihinal na may-ari nito. Iba pang usapin kung mga informal settler families ang nakatira sa naturang ari-arian na kailangan para sa isang proyekto ng gobyerno.
Ilan lamang ito sa mga sitwasyon na masusi at malalim na pinagaaralan ng mga naitalagang sangay ng ating pamahalaan. Ito ay upang tiyakin na maibibigay sa totoong may-ari at tamang recipient ang karampatang kapalit ng isang ari-arian na gagamitin ng ating pamahalaan sa mga
proyekto nito. Dahil dito, hindi maiiwasan na minsan ay nagiging matagal ang pagsasaayos ng mga kinakailangang dokumento na nagdudulot ng pansamantalang pagkaantala sa pagsasagawa ng mga proyekto.
Ang pag-unlad ng isang bansa o ng isang lugar ay kinakailangan at hinihingi ito ng mga mamamayan sa pamahalaan. Ngunit hindi maiiwasan na minsan ay may mga tao at pamilyang maaapektuhan nito, ang kagandahan naman ay may mga batas na nangangalaga sa mga karapatan ng mga mamamayan.
No comments:
Post a Comment