Ang bawas-singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ay kakarampot at pansamantala lang at posible pa itong maibaba kung ang gobyerno ay seryosong magpapatupad ng mahahalagang reporma sa sektor ng enerhiya, ayon kay Senadora Risa Hontiveros.
"Ang pagbaba ng singil sa kuryente ay talaga namang mangyayari dahil bumaba rin ang presyo ng imported coal sa world market. Kaya ang tanong, hanggang kailan matatamasa ng konsyumer ang mas mababang singil sa kuryente? Hindi ito permanente," pahayag ng senadora.
Ginawa ni Hontiveros ang reaksyon kasunod ng P0.72/kWh na pagbaba sa singil na inihayag ng Meralco para sa buwan ng Hulyo, bunsod ng bumaba ring generation rate na natanggap nito mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) at sa mga kontrata nito sa coal plants.
"The government should be proactive in implementing policy changes that would permanently and sustainably reduce our consumers' electricity bills," saad ng mambabatas.
Binigyang-diin ni Hontiveros na bukod sa generation charge ay may mga hiwalay na items sa singil sa kuryente na maaari pang mabawasan at magkaroon ng pangmatagalang epekto gaya ng distribution charge ng Meralco at transmission charge ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
"Isang reporma na matagal ko nang iginigiit sa Energy Regulatory Commission (ERC) ay ang pagpapababa sa napakataas na 15% weighted average cost of capital (WACC). Mula pa 2015 ito pinakikinabangan ng Meralco at NGCP," saad ni Hontiveros.
"Kung maitatama ito, tiyak na may bawas din sa distribution at transmission charges at mapapagaan ang pasanin ng mga konsyumer," dagdag niya.
Ang distribution charge ng Meralco nitong Hunyo ay nasa 18% ng total bill, ang transmission ay 4%, habang ang government taxes ay 10%. Mahigit kalahati ng bill (59%) kung gayon ay payable sa generation.
Sinabi pa ni Hontiveros na bukod sa reduction sa WACC ng Meralco at NGCP, malaking atensyon ang dapat ituon ng ERC at Department of Energy (DoE) sa pagtatama at pagbabantay sa power supply agreements (PSAs) sa pagitan ng mga generation companies at distribution utilities, gayundin ang optimization at pagsasaayos ng system operations dahil direktang naipapapasa sa mga konsyumer ang mabigat na epekto ng madadayang kontrata, power shortage at delayed na mga proyekto sa transmission.
Maliban dito, simulan na rin ang usapin hinggil sa ganap na pagtanggal mula sa pagpapataw ng Value Added Tax sa kuryente bilang dagdag bayarin sa matagal nang pasanin na napakataas na presyo ng kuryente sa bansa.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment