Nadakip na ng mga awtoridad ang construction worker na responsable umano sa serye ng mga nakawan sa mga pampublikong paaralan sa Valenzuela City nang makorner ito habang tinatangkang looban ang isa pang eskuwelahan sa lungsod kahapon.
Kinilala ni P/Major Randy Llanderal, Assistant Chief for Operation (ACOPO) ng Valenzuela City Police Station (VCPS, ang suspek na si John Ariel L. Cabe, 23 anyos at taga-Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon kay Llanderal, nag-iikot ang security guard na si Victor Mark Vargas sa Maysan Elementary School sa No. 104 Maysan Road, Valenzuela City, nang may marinig siyang mga kaluskos sa isang silid dito bandang alas 2:35 ng madaling araw.
Naabutan umano niya na bukas ang pinto ng Room 113 gayundin ang drawer ng guro.
Sa tulong ng mga barangay tanod, nahuli si Cabe sa Marcelo st. at binitbit ito sa presinto.
Nang rebyuhin ang mga CCTV sa iba't-ibang lugar, nakita ang suspek na siyang nagnakaw sa Punturin Elementary School ng isang lap top na nagkakahalaga ng P22, 586, apat na laptop sa Lingunan Elementary School na nagkakahalaga ng P110,000.00, cellphone na P9,000 ang halaga, netbook na nagkakahalaga ng P14,000 at cash na P11,000 at digital video recorder sa Canumay West Elementary School na nagkakahalaga ng P15,000 at pera ng mga guro na umaabot sa P75,000.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment