Patuloy na pumupurol ang katotohanang ninanakaw ng pinaglumaang batas na Campus Journalism Act of 1991 mula sa pagpapatupad nito noong panahon ni Cory Aquino hanggang ngayon na harapang binabalewala ni Marcos Jr. ang karapatan ng malayang pamamahayag.
Malaking bahagi ang mga kampus pahayagan na mag-ulat at mag-imprinta patungo sa pagmomobilisa ng daan-daang kilos protesta sa Maynila. Sa pagtakda ng dating Pangulong Marcos ng pagsasara ng mga malalaking midya, laki rin ang itinubos nito sa mga maliliit na kampus pahayagan na tanging estudyante at isyung pampamayanan ang hawak. Tanging rason kaya isinabatas ang CJA upang kilalanin ang mga kampus pahayagan sa pag-abante ng pagkilos ng mamamayan, bagaman nanatili pa rin itong maliliit at minamaliit bunsod ng kanyang katangian.
Subalit, mapagbalat-kayo ang batas na ito kung magmumula sa lente ng mga mamamahayag dahil hanggang sa kasalukuyan, nananatiling kapos sa pangangailangan ang mga publikasyon para isakatuparan ang esensya ng kanilang kampus pahayagan—ang makapag-imprinta at makapaglimbag para sa malawak na sektor ng komunidad na kanilang kinagagalawan.
Sa aktwalidad, ayon sa College Editors' Guild of the Philippines na nasa mahigit 1,000 campus press freedom violations ang naitala nito simula 2010. Wala ni isang mamamahayag ang nabigyang proteksyon ng 2-pahinang batas na ito dahil sa kawalan ng penalty clause.
Higit pa rito, pinapatay ng CJA ang kalayaan sa impormasyon ng sangkaestudyantehan, hindi lang ng pahayagan dahil sa malabo nitong mga probisyon gaya ng proteksyon sa mamamahayag.
Nang maipatupad ng administrasyong Duterte ang Free Higher Education Law noong 2017, isinalin ang pondo ng mga publikasyon sa kategorya ng Other School Fees na nagpakupot sa pagtamasa ng pondo na kung tutuusin ay dapat may laan na pondo para sa mga publikasyon bilang institusyon at bahagi mismo ng pamantasan para sa pagtataguyod ng karapatan sa impormasyon at pamamahayag.
Hanggang kasalukuyan, nakabinbin ang pondo ng opisyal na publikasyon ng PUP habang walang pondong nakalaan para sa mga lokal na pahayagang pangkampus. Taong 2016 pa mula nang huling makapaglimbag ng lathalain ang The Catalyst.
Sa kasalukuyan, 9 na kolehiyo mula sa PUP Main ang wala o hindi aktibo ang mga publikasyon, hindi pa kabilang ang bawat department na nakapaloob rito, dulot na rin ng kawalan ng materyales para sa operasyon na nauuwi sa sapilitang pagkawala.
Samantala, isa rin sa nakakapagpalumpo ng mga kampus pahayagan ay ang pakikialam sa editorial independence ng mga publication adviser. Ayon sa Section 6 ng CJA, limitado lamang hanggang teknikal na aspeto ang ibibigay ng adviser, habang sa Section 4 naman nakasaad ang pagbibigay ng buong awtonomiya sa publication editorial board.
Sa kabila nito, ilang kampus pahayagan ang nakatanggap ng bantang pagpapasara at intimidasyon dahil lamang naglalabas ito ng makatotohanang suri. Halimbawa na rito ang dating publikasyong Business Torch ng PUP College of Business Administration na hindi na nakakapagpagana pa matapos ipasara nang ilantad ang isyu ng korupsyon sa pondo at nawawalang financial reports ng PUP Commission on Audit (CoA) noong September 2018.
Sa kaparehong taon din, ang 19th ANAK Executive Committee ay hindi pinahintulutan ang mga lokal na publikasyon upang makapasok sa ANAK Congress, taunang pulong para ihalal ang Student Regent na magiging representante ng mga iskolar ng bayan, kasama rito ang mga Branches at Campuses, sa Board of Regents.
Nitong October 2019 naman, nagkaroon din ng intimidasyon sa mga mamamahayag ng The Catalyst at The Communicator nang hindi ito inisyal na pinapasok sa ANAK Federation upang magsagawa ng coverage.
Manipestasyon ng makalumang CJA na ito ang unti-unting pagkawala ng esensya ng mga kampus pahayagan at kabataang mamamahayag. Kung patuloy na pagbabanggain ang isyu sa pondo at paggana ng mga publikasyon, ito ay salimbayang paglabag sa karapatan sa malayang pamamahayag at impormasyon ng mamamahayag at sangkaestudyantehan.
Taong 2016 nang muling binuhay sa Mababang Kapulungan ni Kabataan Partylist Representative Sarah Elago ang Campus Press Freedom Bill na layong gawing mandatoryo ang pagkolekta sa publication fees at pagkakaroon ng mga publikasyon sa bawat paaralan at pamantasan, pagpapalawig sa kahulugan ng "editorial independence" sa batas, pagbibigay ng legal na tulong bilang proteksyon sa mga mamamahayag, at iba pang amyendang magtataguyod ng interes ng mga kabataang mamamahayag.
Subalit, ang kawalan ng usad ng nasabing Bill sa Kongreso sa paglipas ng mga taon ay repleksyon ng kawalang pagpapahalaga ng kahit sinong administrasyon sa karapatan ng mga kampus mamamahayag hanggang sa pambansang kalagayan ng malayang pamamahayag.
Hindi ikinatha ang peryodismo dahil mayroong lamang gustong magmulat at magpahayag. Huwag nating kalimutan na ang peryodismo ay isinibol sa danas ng mamamayang Pilipino na namulat sa kung paano ang mga karapatan, bagaman ikinikilala ng batas, ay patuloy na pinagsasamantalahan.
Bago ang manunulat, mayroong unos na nagtatakda sa kagustuhan ng napakararami na maging manunulat. At napakahirap nitong propesyon, lalo na't ngayon, sakripisyo nang itala ang paghihirap sa mga teksto na nais nakawin ng nasa kapangyarihan.
Tunay na walang malayang pamamamahayag kung mula pa lamang sa antas ng akademya ay programado na upang ipagkait ang interes ng mga kampus pahayagan. Kung ang katotohanan ay nahuhulog lamang sa puno, siguro ay baka hindi na kailangan pa maningil ng batas upang mapangalagaan ang karapatan sa impormasyon at malayang pamamahayag.
Sa madaling salita, ang hikahos ng bawat publikasyong pangkampus ay hikahos din ng sangkaestudyantehang inilalayo sa makamasang impormasyon. Kaya't marapat lamang kilalanin ang katangian ng edukasyon sa bansa bilang malakolonyal at komersyalisado na nagpapahintulot ng sustenidong paggana ng represibong produkto sa mga mag-aaral, magpatalas pa ng suring gagalugad sa tunay na kalagayan at pangangailangan ng bawat sulok ng komunidad, nang sa gayon ay maisalin ito sa katotohanang magpapayanig sa sikmura ng mga tradisyunal at reaksyunaryo.
Bakas sa kasaysayan na takot ang reaksyunaryo sa ibinibigay ng katotohanang tumatagos sa kalamnan ng mga Pilipino, kaya kung hindi tuluyang maigugulong ang batas na magbibigay proteksyon sa mga kampus mamamahayag, asahang magpapatuloy at rarami pa ang suri na magwawaksi sa kapangyarihang mapang-abuso't mapupil.
: Virg Magtira
: Justine Cueva
No comments:
Post a Comment