Sinampahan na ng kaso ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity dahil sa pagkamatay ng 25-anyos na si Aldryn Leary Bravante, fourth-year student ng Philippine College of Criminology (PCCR) dahil sa hazing noong October 16.
Nitong Huwebes, sinabi ni QCPD Director, P/Brig. Gen. Redrico Maranan, na sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 11053 o Anti-Hazing Act of 2018 ang mga suspek na sina Justin Artates, Mark Leo Andales, Kyle Michael de Castro, at Lexer Angelo Manarpies, na umano'y master initiator sa Quezon City Prosecutor's Office noong Miyerkules. Bukod dito, kinasuhan din ng robbery ang mga suspek dahil nawawala ang wallet at cellphone ng biktima.
Sinabi ni Maranan na nagbigay ng extrajudicial confession sina Artates at de Castro, kapwa deputy grand treskilion, noong Miyerkules sa tulong ng kanilang abogado na si Melvin Bughao, kung saan ibinunyag nila ang mga pangalan at address ng iba pang miyembro ng fraternity.
Kabilang sa itinuga nina Artates at de Castro sina John Gabriel Cayabyab, James Edsel Madia Robiso, at Alfredo Bautista na kasalukuyan pang nakalalaya.
Agad namang isinuko ng kanyang tiyahin si John Arvin Kaylle Diocena, 23, alas-10:50 ng umaga nitong Huwebes sa harap ng Sergio Osmeña High School sa Araneta Ave., QC.
Si Diocena, ng Barangay Tatalon, QC, ay kabilang sa frat na pinangalanan nina Artates at de Castro.
Una na ring sumurender nitong Miyerkules ang 18-anyos na si alyas "Uno" kasama ng kanyang magulang matapos na magpalabas ng `manhunt' ang QCPD.
Kinondena naman ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera ang nasabing hazing.
"Notable is the involvement yet again of the Tau Gamma Phi fraternity," sabi ni Herrera.
"I ask the Department of Justice and the National Bureau of Investigation to include their determination of the liability of the leadership of the Tau Gamma Phi fraternity at the national and local chapter in the killing of Bravante because there seems to be a systemic evil that pervades within their organization," sai ni Herrera.
Ikinadismaya rin ni Herrera na ang nasa likod ng hazing ay ang mga estudyante na inaasahang mag-aaplay upang maging miyembro ng Philippine National Police.
Si Bravante, ay isinugod nina Artates at de Castro sa ospital noong gabi ng Oktubre 16 matapos mawalan ng malay habang sumasailalim sa initiation rites ng Tau Gamma.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment