Hindi lang isang milyon kundi nasa 13 milyon hanggang 20 milyong data ng mga miyembro ang posibleng nakompromiso sa nangyaring hacking sa system ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Ito ang isiniwalat PhilHealth Associate Senior Vice President Nerissa Santiago sa isang press conference nitong Miyerkoles, Oktubre 18.
"For the members po, kung we're talking about the local work station, we're expecting a total of 13 [million] to 20 million names po," pag-amin ni Santiago.
Matatandaan na noong Setyembre, inatake ng "Medusa ransomware" ang system ng PhilHealth at humingi ng $300,000 ang mga hacker kapalit ng pagbura sa nakuha nilang datos.
Hindi ito binayaran ng gobyerno kaya kumalat sa dark web ang datos ng mga miyembro ng PhilHealth na posibleng magamit sa pang-scam.
Sa unang pagtaya ng PhilHealth ay higit 1 milyong PINs mula sa senior citizens ang natangay ng mga hacker pero mas marami pala ang nakompromiso.
Binanggit naman ni Santiago na inaanalisa pa nila ang datos dahil baka nagkaroon lamang ng duplikasyon sa kanilang pagtantiya.
Nakarating din sa kanila ang report ng Department of Information and Communications Technology na hindi inside job ang nangyaring hacking sa PhilHealth.
"There is high probability that it's even from outside the country. So the cyberattack did not come from inside [of PhilHealth]," ani Santiago.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment