Tagumpay na ikinasa ng mga kampus publikasyon at kabataang alagad ng midya ang National Day of Action ng PUP System Wide Campus Press kahapon Nobyembre 23 sa PUP Main Gate upang alalahanin ang ika-14 na taon ng Maguindanao Massacre, igiit ang karapatan ng mga pangkampus publikasyon, at hustisya para sa kalayaan sa pamamahayag.
Pebrero 2020 nang huling maikasa ang kilos-protesta na pinangunahan ng mga kampus mamamahayag ng PUP.
Ang Maguindanao Massacre ay isa sa itinuturing na malagim na kasaysayan sa malayang pamamahayag sa bansa kung saan mula sa 57 na biktima ng masaker ng angkang Ampatuan ay 32 bilang ng mga alagad ng midya na pinatay.
"Labing apat na taon na ang nakalipas simula ng Maguindanao Massacre ngunit hanggang ngayon ay sigaw pa rin natin ang hustisya. Walang hustisya kung patuloy ang pananakot at pagkitil sa buhay ng mga alagad ng midya," panimulang hayag ni Daniela Riego, Chairperson ng Anakbayan PUP College of Communication.
Sa tema ng "Kabataang Mamamahayag, Lumabas sa Oryentasyon! Dalhin ang Panulat sa Lansangan!" ay nakikiisa rin ang mga kampus mamamahayag sa isang linggong tigil-pasada ng mga tsuper at operator sa buong bansa upang ipanawagan ang pagbabasura sa PUV Modernization Program o Jeepney Phaseout.
"Malinaw na ang PUVMP at pag-phaseout ng mga tradisyonal na jeepney ay dagdag-pasakit lamang sa ating mga tsuper at komyuter. Hindi PUVMP ang pangunahing tutugon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino, manipestasyon kung gaano ka-lampa at kaduwag si Marcos sa pagharap sa mga tunay na suliranin ng bansa," ani Lheonel Sanchez ng The Communicator.
Estudyanteng mamamahayag sa loob ng pamantasan
"Sa kabila ng kaliwa't-kanang pagtatangka ng estado na busalan ang mga mamamahayag ay mas lalong dumadagundong ang tinig ng mga mamamayang Pilipino na uhaw sa katotohanan," ani Abbygail Alforque, Vice President ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral.
Giit ni Alforque na sa gitna ng laban ng mga iskolar ng bayan para sa campus press freedom, academic freedom, at pagpapanumbalik ng PUP-DND Accord, "estado ang matatakot sa talim nating panulat."
Sa Kolehiyo ng Komunikasyon na nagsisilbing pandayan ng mga susunod na alagad ng midya, pinangunahan ng lokal na konseho ang kahirapang danas ng mga kapwa iskolar sa itsura ng edukasyong nakabatay umano sa internasyonal na pamantayan at malayo sa militanteng kultura ng pamamahayag.
""Walang pera sa journalism?" daw. Nais lang nilang ikulong sa kombensyonal na aspeto ng pagtatrabaho. Salapi kaysa paninindigan," anila.
Inilarawan din ng konseho na ang apat na taon sa kolehiyo ng mga mass communication students na siyang binubuo ng sandamakmak na production works at patung-patong na gastusin ay mauuwi lamang para maging kontraktwal na manggagawang may barat na pasahod ang mga mag-aaral.
"Ang pagiging kabataang alagad ng midya ay tuntungan ng paninindigan pero hindi rito natatapos ang mga pamamaraan sa paglaban. Tanganan ng mahigpit ang mga panulat, mikropono at camera, ipagsilbi ito sa masa," hamon ng College of Communication Student Council.
Walang neutral na pahayagan sa digma
Sa nangyayaring agresyon at henosidyo ng zionistang Israel sa Palestine, kinundena ng mga kampus mamamahayag ang nyutralisadong war reportage ng mainstream media kumpara sa pamantayan ng alternatibong mga pahayagan.
"Walang ligtas sa balitang walang kinikilingan. Pinapatay ang mga mamamahayag na nag-uulat ng katotohanan, lumulubog sa komunidad, at nag-aaral ng lipunan," pahayag ni Virg Magtira, peryodista mula sa The Catalyst.
Ayon sa ulat ng Committee to Protect Journalists, mahigit 53 na mamamahayag na ang namatay sa Gaza dahil sa sunod-sunod na pambobomba at henosidyo sa Palestine, habang aabot na sa higit 14,000 ang namatay na mga Palestino.
"Hindi rebolusyon ang papatay sa mga mamamahayag at mamamayang lumalaban kundi ang kasinungalingan na gusto ipakita sa atin ng estado at buhayin sa isang kasinungalingan na lilinisin lamang ang ating kasaysayan," dagdag pa ni Magtira.
Isinawalat rin ng mga organisasyong pangmidya ang mahalagang gampanin ng mga kampus mamamahayag na ilantad kung paano sa panahon ng digma ay laging nakapwesto ang makapangyarihang Estados Unidos.
"1.5 million ang displaced at turing-bakwit sa kanilang sariling lupa [sa Palestine]. Hindi [na lamang] ito usapin ng relihiyosong digma ng zionistang Israel sa Palestine, usapin din ito ng imperyalistang US sa kanilang pagpopondo sa mga bomba at armas sa lantarang hinosido nito para saan? Para mapanghawakan din ang kabuuan ng bansa bilang isa ito sa mayaman sa mineral at krudo. Walang gyera na sinisimulan ng imperyalistang US na wala silang mahihimong pangsariling interes," pahayag ni Miko Mapesos, kasalukuyang Secretary General ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP.
Ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa ikawalong pwesto sa mga bansang pinakadelikado para sa mga mamamahayag dulot ng sunod-sunod na pagpatay at kawalan ng hustisya sa mga namatay na tagapagbalita at mamamahayag.
"Hindi lamang statistics sa impunity index ang bawat mamamahayag na nawala na parang bula, kundi mga anak ng bayan, anak ng manggagawa at magsasaka na nangahas na makibaka at magmulat," dagdag ni Mapesos.
Sa pagtatapos ng programa, kasabay ng panawagang hustisya para sa mga mamamahayag na pinatay ng estado, ay ang paghimok din ng mga kabataang mamamahayag sa pagtangan ng kabataang estudyante sa militanteng pakikibaka kasama ang masang anakpawis at dalhin ang panulat sa mas malawak na hanay ng sambayanan.
🖋: Ligaya Isabel
📸: James Albangco
No comments:
Post a Comment