mga segundo, minuto, taon;
mga oras na bumubuo sa
dekada sitentang obrang
Sitenta
'di na nais balikan.
kagaya ng nakakuwadrong larawan,
nababad ang panahon sa pulang
pumipiglas sa mga itim na bahid
na bumubusal sa kanilang karapatan.
ang mga patak ng abo sa dibuho
para sa mga nawala at dinukot.
mga wisik ng hating-gabi sa
mga pinatay na tila'y 'di
mahalaga ang pintig ng puso.
marka sa paglaya ang mga
nakakalat na bahid ng langit
pagkatapos maikadena
ang galaw ng katotohanan,
na kahit kapiranggot na boses nito
pinipigilang lumiwanag.
mistulang tuyong dugo ang mga
bakas ng mga kamay ang nanatili
sa naghihiganteng pader
upang 'di malimot ang
dapat alalahanin.
hanggang sa pinatungan
ng mga demonyong nagpinta ng itim
ang mga kulay ng kunwang puti
upang walang makapagsabi
na totoo ang nangyari.
para sila'y makapagsimula muli.
mga araw, buwan, dekada;
mga oras na bumubuo
sa obrang umabot nang
mahigit kalahating siglo.
kagaya ng nakakuwadrong larawan,
nagbalik ang mga demonyo sa pagpinta.
kontrolado ang bawat galaw ng pinsel
upang gumuhit ng mga itim na ngayo'y tila rosas.
nag-iba man ang anyo,
nananatili pa rin ang mga ito sa dilim.
lumalamon, humahapit,
hanggang sa mapapansin muli
ang mga kulay ng naaapi.
ngunit sa pagbalik ng mga itim,
lumitaw muli ang mga bahid ng pula.
tumataginting sa bawat pagtulo,
mga guhit unti-unting tinatakpan.
dahil naiintindihan na ang paglaya'y
makakamit lamang sa pagbasag ng siklo,
patuloy na pipiglas ang mga pula para
maagaw ang pinsel sa mga demonyo.
upang mabigyan ng pagkataon
ang mga nabiktima na magpinta
ng mga nagdaan at mga kulay na parating
sa kanbas ng kasaysayan.
🖋: Sashia Rune
🎨: Jessica Tiamzon
No comments:
Post a Comment