Kinalampag ng isang senador ang mga ahensiya ng gobyerno na maging alerto ngayong paparating na holiday dahil posibleng umatake ang mga scammer at limasin ang Christmas bonus ng mga manggagawa.
Giit ni Senador Sherwin Gatchalian, dapat palakasin ng mga regulator ang proteksyon sa mga mamimili laban sa iba't ibang uri ng online financial fraud sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng mga ganitong panloloko lalo na't papasok na ang holiday season.
Nauna nang nagbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko tungkol sa mga online scams na naglipana kapag ganitong panahon kung saan dumarami pa ang mga pekeng online shop na nagbebenta ng mga pekeng produkto at kung saan mas maraming mga kawatan ang lumilikha ng mas marami pang pekeng e-wallet apps o mga apps na mukhang lehitimong e-wallet.
"Sa pagpasok ng bonus season, ito ang panahon na mas marami na ring mga kawatan ang umaatake tulad ng nangyari noong mga nakaraang taon," wika ni Gatchalian.
Aniya, dapat palakasin din ng mga financial institution tulad ng Bangko Sentral ng Pilipinas, Securities and Exchange Commission, Insurance Commission at Cooperative Development Authority ang kanilang cybersecurity measures.
"Panahon na upang bigyang-diin natin kung ipinapatupad ba o kung paano ito ipinapatupad ng mga regulator lalo na't nariyan na ang batas para sa proteksyon ng mga mamimili pati na ng financial products at financial services," sabi ni Gatchalian.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment