Patay kung patay ang nais ni Marcos Jr. sa sektor ng transportasyon at kabuhayan ng libo-libong mamamayang tsuper, komyuter, at manggagawa sa 2024 dulot ng pahirap na Public Utility Vehicle Modernization Program — ang huwad na mukha ng PUV phaseout.
Buong taon nanawagan ang mamamayang Pilipino sa buong bansa na maaapektuhan at mismong apektado na laban sa franchise consolidation na isa sa rekisito ng PUVMP, lahat sila iisa ang alternatibo tungong modernisasyon: Pambansang Industriyalisasyon.
Kabilaang panliligaw sa pambansang gobyerno, kay Marcos Jr., ang mga naglalakihang dayuhang korporasyon gaya ng Toyota at Hyundai na mga susuporta sa PUVMP. Bilyon-bilyong investment ang ilalaan para makabuo ng kakarampot na bilang ng sasakyang mula sa tira-tirang pyesa ng ibang bansa.
Sa mata ng tambalang dayuhan at lokal na mga kapitalista, charity case kung maituturing ang kalagayan ng Pilipinas na pilay ang sektor ng transportasyon na sila rin ang pangunahing dahilan ng pagkapilay. Matapos pataasin ng mga oil companies ang presyo ng langis at krudo na dahilan ng sapilitang taas presyo sa pamasahe, tatanggalan ngayon ng prangkisa ang mga jeepney at karapatan sa indibidwal nilang pag-aari ng sasakyan; sa karagdagan, nagbabanta pa ang taas-pasaheng singil sa MRT na dulot ng pribatisasyon.
Ilang beses sumalang sa dayalogo ngayong taon ang mga organisasyon ng mga tsuper at LTFRB subalit nananatiling matigas ang ahensya na mananatili ang deadline ng franchise consolidation ngayong Disyembre 31, mangangahulugan na ito ng sapilitang transisyon para sa 35% na consolidated PUJs at UVs franchise.
PUVMP, hindi sagot sa Climate Crisis
Mula 2017, isa sa mapagbalat-kayong batayan ng jeepney phaseout ng administrasyong Duterte at ngayo't ni Marcos ang ambag ng traditional na jeepneys sa climate crisis dahil sa siyam na milyong rehistradong sasakyan sa bansa, kakarampot (2%) lang ang jeepney rito, at aabot sa 15% lamang ang kontribusyon sa emisyon.
Mas mataas pa rin ang kontribusyong naiaambag ng mga private jet gaya ng sasakyan ni Marcos Jr. sa kaniyang 19 foreign trips buhat nang maupo noong June 2022. Hindi pa kabilang rito ang hindi mapigilang pagdami ng pribadong sasakyan sa kalsada dahil sa patuloy na pagpapapasok ng mga dayuhang sasakyan at pahirap na sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.
Kung climate crisis lang rin naman ang batayan, sa pagpapapasok ng administrasyong Marcos Jr. ng #1 world polluter sa daigdig — ang US military — para sa mga military exercises, counter-insurgency training sa militar, ilegal na pagmimina, atbp., malinaw kung ano ang dapat iprayoritisa ng pambansang gobyerno para tugunan ang climate crisis mula sa sarili nitong bansa.
Pagbabasura, hindi Deadline Extension
Ang extension sa deadline ay extension ng pagpapahirap sa mamamayan. Pinatutunayan ni Marcos Jr. na hindi niya kayang humarap sa krisis ng sektor ng transportasyon nang tanging extension lamang sa pamamasada ngunit may criteria ang ibinigay niya na hanggang huling araw ng January 2024.
Makinang na katotohanan ang pagpili ni Marcos Jr. sa mga dayuhang kapitalista para isangkalan ang kabuhayan ng mahigit 200,000 tsuper at operators sa susunod na taon. Buhay at kamatayan ang ipinagpalit ng administrasyong Marcos at mga kasabwat nito sa kabila ng deka-dekadang legasiya ng jeepney sa bansa.
"Minorya" ang tingin ni Marcos Jr. sa mga tsuper at jeepney na pangunahing sasakyan ng mga Pilipino. Kaniyang minamaliit ang ang 80-100% traffic paralyzation ng isang linggong tigil-pasada at nang sabihin niya na hindi ito banta sa susunod na taon. Para kay Marcos Jr., ang krisis ng Pilipinas ay katiting lamang sa dami ba naman ng inutang na buhay, kabuhayan, dugo, at salapi ng kaniyang pamilya sa mga Pilipino.
Manggagawa na ang nagsabi: Kaya nilang magkumpuni ng piyesa sa loob lamang ng isang araw kung mapagbibigyan. Ito ang isang mukha ng Pambansang Industriyalisasyon na hindi kayang ibigay ng mga nagsasabwatang kapitalista sa pamamagitan ng pagpapabaon pa sa utang at krisis sa mga manggagawa.
Subsidiya, ayuda, pagpapautang – lahat ito ay barya lamang na hinihingi ng mga tsuper at manggagawang PUV sa gobyerno dulot ng mabigat sa bulsa na kita sa pasada. Idagdag pa rito ang hindi maawat na pagtataas ng presyo ng pamasahe. Sa pagmomodernisa ng jeepney, tuluyang aakyat hanggang P40 pesos ang singil sa mga komyuter.
Dekada, taon, araw-araw, hindi namimili ang mga tsuper kung sino ang kanilang ihahatid sa kung saan, hanggang sa pag-uwi. Ngunit malinaw na hindi makamasang transportasyon ang resolusyon ni Marcos Jr. sa bagong taong 2024.
Pagpapabasura sa Oil Deregulation Law na nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng langis gawa ng patong-patong na tax sa langis at gasolina, regularisasyon ng pambansang gobyerno sa mga pumapasok na kartel ng langis at dambuhalang mga manufacturer ng sasakyan, pagpapasailalim sa gobyerno ng mga pampublikong transportasyon gaya ng Transit Lines, public buses at PUVs, maging ng tollways — sa pamamagitan ng mga ito ay tuluyang maisasakatuparan ang aksesableng transportasyon na makamasa at hindi naghihiwalay sa kalagayan ng mga tsuper at operator sa kalagayan ng bansa.
#NoToJeepneyPhaseout
#NoToPUVModernizationProgram
🖋️: The Catalyst Staff
📷: Jacob Baluyot
No comments:
Post a Comment