Sinang-ayunan ni dating Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas ang mga ibinunyag ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na labas-pasok na sa Pilipinas ang International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Roque, sinabi sa kanya ng mga dating kasamahan na may mga miyembro ng ICC ang labas-pasok na sa bansa, nag-iimbestiga sa mga naging biktima ng war on drugs ng nakaraang administrasyong Duterte.
"Sabi ng mga dati naming kasama, labas-pasok daw ang mga puti na galing sa ICC. So meron po akong confirmation na talagang nag-iimbestiga ang mga dayuhan dito sa Pilipinas," sabi ni Roque.
Sinabi ni Roque na mismong si President Ferdinand Marcos, Jr. ang nasa likod ng pagpatuloy ng ICC investigation kay Duterte. Binanggit niya ang planong destabilization na isiniwalat ni AFP Chief of Staff Romeo Brawner, Jr. bilang pangunahing rason para magbago ang isip ni Pangulong Marcos, Jr. hinggil sa ICC investigation.
Pinaliwanag din niya na nagkataon lamang na sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Vice President Sara Duterte ay nagkaroon ng personalan sa "tambaloslos" remark at ang Confidential at Intelligence Funds nang pag-usapan ang plano na muling pagsali ng Pilipinas sa ICC.
"Yung mga same daw na military officials na kinausap 'di umano ni former-PRRD ay nagsumbong din kay PBBM na kinausap sila. Eto po ang dahilan daw kung bakit nabago ang ihip ng hangin. Nagkataon lang na nagkakaroon ng personalan si House Speaker at tsaka si VP Sara noong panahon na ito," sabi Roque.
Sinabi ni Llamas na sa pagkumpirma ni Roque na labas-pasok na sa bansa ang ICC, maaaring nagsisimula na nga ang ICC probers sa pakikipag-usap sa mga pamilya ng mga biktima ng drug war-related killings.
"Nagsimula na pumasok na yata ang ICC pero hindi naman labas-pasok," sabi ni Llamas.
Pinaliwanag ni Llamas ang paniwala na ang criminal case laban sa dating pangulo ay politically motivated. Aniya, ang kaso bilang politically motivated ay hindi nagpapahina sa kaso laban kay Duterte.
"95% naman ng nangyayari sa politika at sa Pilipinas ay politically motivated din, 'di ba? Hindi naman maaalis yan e, pero hindi niyan pinapahina yung kaso. Kung 'yan ay sumasabay sa pulitika, e yan ay hindi kasing relevant ng ebidensiya," sabi ni Llamas.
Naniniwala si Llamas na ang tensyon sa pagitan ng administrasyon at ng Duterte faction ay matagal na simula nang si Vice President Sara ay kumontra sa planong pagbalik sa peace talks ni Marcos.
"Nakita natin last month yung first public attack ni Vice President Sara Duterte kay President Bongbong Marcos. Yung kanyang 'deal with the devil' dito sa kanyang peace talks, 'di ba? E pag ikaw ay nag-deal sa devil eh medyo may pagka-demonyo karin," sabi ni Llamas.
Sinabi ni Llamas, lahat ng may kinalaman sa war on drugs ay siguradong kokontra sa posibilidad na pagsali uli ng Pilipinas sa ICC.
IKE ENRIQUE - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment