Sa paghahanda para sa darating na panahon ng halalan, mahigpit na binalaan ang publiko laban sa mga kahina-hinalang survey na kumakalat, lalo na sa mga social media platform.
Ayon kay Anton Salvador, spokesman ng Philippine Research and Marketing Association, dapat ay maging mapanuri sa pagkilala kung ang isang grupo ng survey ay tunay o isa lamang harap ng public relations. Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa legitimacy ng mga grupong ito ay mahalaga, lalo na sa panahon ng eleksyon kung saan ang bawat impormasyon ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa desisyon ng mga botante.
Kaugnay nito ay kinuwestiyon ni Salvador ang isang grupo na nagpakilalang "Hypothesis Philippines", na napag-alaman na kulang sa legal na pagkilala at operasyon. Ayon sa imbestigasyon ni Salvador, ang grupong ito ay wala ni isang propesyonal na "statistician", walang balidong lisensya sa pagpapatakbo ng negosyo, at wala ring pisikal na tanggapan.
Ang tanging paraan para makontak sila ay sa pamamagitan ng isang mobile phone number, ngunit kapag tinatanong kung sino ang kanilang lider o punong tagapag-ugnay, hindi sila makapagbigay ng anumang konkretong detalye.
Ang kawalan ng mukha at personalidad ng isang nagpapakilalang survey group ay nagpapakita ng isang malaking red flag. Ang kawalan ng transparency o accountability, ay nagpapahiwatig na ang kanilang layunin ay malayo sa pagbibigay ng totoong serbisyong pananaliksik.
Lumilitaw na ang kanilang pangunahing hangarin aniua ay gayahin ang mga metodolohiya at lumabas na resulta ng mga lehitimong grupo ng survey, na maaaring magdulot ng kalituhan at maling impormasyon sa gitna ng mga botante.
Sa kasalukuyan, ang mga kinikilalang lehitimong grupo ng survey sa Pilipinas ay kinabibilangan ng Pulse Asia, Social Weather Stations (SWS), Publicus, Ibon Foundation, at RP-Mission and Development Foundation Inc. (RPMD), bukod sa iba pa. Ang mga organisasyong ito ay nagtataglay ng kredibilidad at integridad sa kanilang pananaliksik, na nagbibigay ng tumpak at walang kinikilingang impormasyon sa publiko.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment