Nagbabala si dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang kaibigan na si Pastor Apollo Quiboloy na posibleng maaresto sakaling muling isnabin ang pagdinig ng Senado.
Sa ginanap na press conference ni Duterte sa Davao, sinabi nito kay Quiboloy na may kalayaan ang bansang ito at may karapatan siyang pumili, kaya kung ayaw niyang sumipot sa Senado ay ihanda na lamang ang sarili na arestuhin.
Sa bandang huli, iginiit ng dating pangulo na kay Quiboloy pa rin ang desisyon kung dadalo o hindi sa Senado.
Matatandaan na ilang beses na inisnab ng lider ng Kingdom of Jesus Christ church ang pinatawag na pagdinig ng Senado kaugnay sa mga reklamong sexual harassment ng mga dating miyembro nito.
Hindi naman makumpirma ni Duterte ang pahayag ni Quiboloy na natatakot ito sa kanyang buhay dahil sa nagsasabwatan umano si Pangulong Marcos at gobyerno ng Amerika.
Posible rin umanong nanganganib ang buhay ni Quiboloy subalit ang kaso naman nito ay nasa Amerika at wala sa Pilipinas kaya malaya pa rin siyang gumalaw o umikot.
Maliit na kaso lamang umano ang kaso ni Quiboloy para pag-aksayahan ito ng panahon ng Amerika.
Itinanggi naman ni Duterte ang alegasyon na tumatanggap siya ng bag ng mga baril mula kay Quiboloy.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment