Ibinunyag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagtatangka diumano ng mga hacker mula sa China para mapasok ang ilang website ng gobyerno kabilang na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang news forum nitong Sabado, Pebrero 3, sinabi ni DICT Undersecretary for Cybersecurity Jeff Ian Dy na bukod sa private website ng Pangulo, natunugan din nila ang cyberattack sa email address ng ilang ahensiya ng gobyerno kabilang ang Philippine Coast Guard at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay Dy, nauna nang iniulat ng Google ang pagtatangka ng mga hacker dalawang linggo na ang nakalipas.
Pinakahuli ang bigong hacking sa web applications ng OWWA nitong nakaraang Enero lamang.
"We were able to detect that the attackers were coming from China Unicom. So, I think we will need to coordinate with them so that they can help us in this investigation," he said.
Ang China Unicom ay isang telecommunications operator na pag-aari ng gobyerno ng China.
Pero, nilinaw naman ni Dy na hindi nila inaakusahan ang China na sangkot sa hacking. Aniya, nadiskubre lamang nila na nag-ooperate mula sa China ang mga hacker.
Hinala ng DICT na isang uri ng "cyber espionage" ang ginawa ng mga hacker.
"Itong klase ng ganitong atake, ang ginagawa lang po nito ay magmanman. Hindi naman po niya nakita iyong ating mga emails, nadepensahan naman natin although iniimbestigahan pa rin natin ngayon," sabi ng opisyal.
Kabilang pa aniya sa pinuntirya ng mga hacker ay ang domain administrator ng Cabinet Secretary, Department of Justice, Congressional Policy and Budget Research Department, National Coast Watch System, at ang DICT.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment