hesus na ipinako sa krus,
ikaw ay namatay para sa kasalanan na hindi naman iyo,
ngunit inangkin at tinanggap mo,
kalakip ang iyong luha't dugo
para sa sanlibutan
hesus na anak ng diyos,
mula sa amang makapangyarihan
at sa isang inang naghihinagpis,
ikaw ay kahoy, apoy, tubig, at langis,
ang dugong dumadaloy sa 'yong katawan ay dugong mortal at dugo ng maykapal na nagbibigkis—
"oh diyos ko! ipinako nila ang anak ko!"
aba ginoong maria, kilala mo ba kung sinong ipinako nila sa krus na gawa sa kahoy?
isang taos-pusong alay o nanlabang biktima?
kabayaran para sa isang mundong makasalanan
hesus, ang pinakadakilang sakripisyo
hesus na anak ni maria,
mula sa makasalanang dugo ni eba at adan at kaloob ng espiritu santo,
ikaw ang dasal, alay, apoy at ang piging,
bukod kang ipinagpala sa lahat,
munting handog ng langit
hesus na namatay at nabuhay muli,
sinasabing ikaw ang simula't dulo ng daigdig,
ikaw ang rebolusyon at ang rebolusyonaryo
ikaw ang masa at ang kaluluwa ng kalsada
tunay bang may langit para sa mga maralita?
hesus na ipinako sa krus, nahahanap ba talaga ang hustisya?
ama namin, sumasalangit ka,
naririnig mo ba ang kanilang mga dasal?
"sumalangit nawa ang mga gaya niyang sinasabing nanlaban at walang kalayaan."
si hesus ang alay na tupa at hawak mo ang punyal
sila rin ay kahoy, apoy, tubig at langis,
sa bagang hindi namamatay, walang mintis
ang mamatay at ialay para sa rebolusyon
ito ang habambuhay na sakripisyo
No comments:
Post a Comment