Ipapatawag ng House Committee on Public Order and Safety ang lahat ng regional director ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng talamak umanong iligal na sugal sa bansa.
Sa pagdinig kahapon, Lunes, isinalang ang House Resolution 1549 na akda ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo kaugnay ng talamak umanong iligal na sugal sa CALABARZON region (Region 4-A).
Pero sa halip na ituon lamang ang atensyon sa Region 4-A, itinulak ni Tulfo na isama na ang lahat ng police regional director.
"We're talking of illegal gambling Mr. Chair, I suggest that we call all of the regional directors. Kasi ang gambling po ay masyadong proliferated na sa bansa," sabi ni Tulfo.
Sumang-ayon naman ang chairperson ng komite na si Sta. Rosa Rep. San Fernandez.
"We have to compare what is happening in Region 4A (Calabarzon) and what is happening in different parts of this country. For that, we will be allowing your motion that we need to invite all the regional directors but insofar as the resolution that I filed is concern," sabi ni Fernandez.
Ayon kay Tulfo nagpapatuloy nag operasyon ng iligal na sugal dahil pinapayagan ito ng mga politiko.
"Kahit anong gawin nating 'yaw-yaw' dito kung hindi naman matigil ito, wala ring mangyayari rito. Bata pa lang ako nag-iimbestiga na ang Kongreso at Senado ng illegal gambling wala namang nangyayari. So, we must do something about it kasi napakalala na talaga ng pasugalan," sabi ni Tulfo.
"Problema hindi lang po itong mga otoridad natin ang pasok diyan, pati ang mga pulitiko, masakit man hong sabihin pati ang mga pulitiko natin kasama rin minsan diyan," dagdag pa nito.
Naniniwala si Tulfo na hindi makakapag-operate ang isang iligal na sugal ng walang pahintulot ng mga lokal na opisyal.
"Itong mga pulis na ito administratively ay still under the power of the mayor. Pag sinabi po ng mga mayor na I don't like it wala po talaga yan. Marami naman pong mga cities at municipalities sa atin na walang pasugalan because ayaw ng mga mayor ayaw ng governor. Kapag inayawan yan titigil po yan," dagdag pa ni Tulfo.
Sumegunda naman sa kanya si Iligan Rep. Celso Regencia, na tatlong beses na naging mayor ng Iligan City.
"Totoo po yung sinasabi ni Cong. Erwin Tulfo na kung hindi po papayagan ng Mayor yung pasugalan ay talagang titigil po yun. Kasi sa pulis kung hindi ka papayag sa gusto ng pulitiko, immediately gagawan ka ng order na ipa-relieve ka sa position mo," sabi ni Regencia.
Iginiit ni Regenciana dapat magkatugma ang ginagawa ng lokal na pamahalaan at pulisya sa paglaban sa iligal na sugal.
HAZEL HEDI - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment