Ikinagulat ng mga mananaya sa lotto ang pagkahulog ng bola habang binobola ang tatlong numero sa 3-digit draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Pebrero 27, 2024.
Sa 2:00 p.m. draw ng 3-digit game, nabola na ang numerong 1, 9 at 7 pero nang pormal nang iaanunsyo ng host ang unang numero biglang nahulog ang bola na may number 1.
"The first number is…" wika ng host na si Fiona Gicale na natigil sa pagsasalita nang makita ang nahulog na bola.
Tila nabigla rin ang PCSO assistant draw coordinator at sumenyas muna bago nilapitan ang makina at sinabing "nagkaroon po tayo ng draw machine malfunction, so magkaroon po tayo ng alternate procedure. 'Yong hindi nakapiling machine ay papalitan natin ng another machine."
Naputol ang live stream habang inaayos ang pinalitan na draw machine. Makalipas ang 15 minuto, saka inulit ang bola sa unang machine lamang.
Nagreklamo ang mga netizen na dapat ay nagkaroon ng panibagong bolahan sa tatlong makina at hindi sa iisang makina lamang.
Depensa naman ni PCSO Assistant General Manager Arnel Casas, hindi ito maituturing na glitch at nang-yayari rin daw ito sa mga nakalipas na panahon.
Binanggit pa nito na hindi na maaaring baguhin ang lumabas sa ikalawa at ikatlong makina dahil maituturing na itong official winning number.
Tiniyak din ni Casas na pinahahalagahan nila ang integridad ng lotto draw.
Sinabi naman ni Senador Raffy Tulfo na paiimbestigahan niya ang insidente upang malaman kung glitch lang ito o nagkaroon ng manipulasyon sa bola.
Giit naman ni Senadora Imee Marcos, ipatigil muna ang bola ng lotto habang hindi nareresolba ang lahat ng isyu ng dayaan umano sa lotto draw.
"Mahirap 'yong nawawala 'yong tiwala ng tao," sambit ni Marcos.
Hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon ng Senate Committee on Games and Amusement sa sunod-sunod na nananalo sa jackpot sa draw ng lotto.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment