Kinondena ng isang mambabatas ang umano'y "gentleman's agreement" ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at China na limitahan ang resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal at ginawang kampo ng mga sundalo.
Ginawa ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang pahayag matapos na aminin ni Harry Roque, dating presidential spokesperson ni Duterte, sa panayam ng Politiskoop noong Martes ang "gentleman's agreement".
"Ang isda talaga ay nahuhuli sa bibig," sabi ni Castro. "Nakakagalit na may mga dati tayong opisyales na ganito na halos ibenta na ang Pilipinas.
Ayon kay Roque ang "gentleman's agreement" ay para mapanatili ang status quo sa West Philippine Sea. Ang usapan ay lilimitahan umano sa tubig at pagkain ang dadalhin sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Roque na dismayado ang China dahil hindi kinilala ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kasunduan.
Kasabay nito, muling kinalampag ng mambabatas ang Kamara de Representantes upang magsagawa ng pagdinig ukol sa sinasabing kasunduan ni Duterte sa China.
"Sumosobra na talaga ang Tsina sa ginagawang harassment na ito kaya naman din nananawagan kami sa House leadership na isalang na sa pagdinig ang House Resolution 1216 para ipatawag si Atty. Roque at kung totoo nga na ipinagkasundo ni dating Pangulong Duterte ang Ayungin shoal at kung ano pang mga deals niya sa Tsina," giit ni Castro.
"Isa kasi ito sa mga ginagamit na dahilan ng Tsina para harasin ang mga Philippine vessels sa sarili nating exclusive economic zones kaya dapat na maungkat natin ito," punto pa ng kongresista.
Sinabi ni Castro na maaaring magsagawa ng pagdinig ang Kamara kahit na naka-recess ang sesyon ng Kongreso.
Kasalukuyang naka-break ang sesyon ng Kongreso hanggang Abril 29. Pinayagan ng liderato ng Kamara ang mga komite nito na magsagawa ng pagdinig kahit na walang sesyon.
ARVIN SORIANO (Ll.B) - HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment