May armas ang tunay na diwata
Hindi mahika kundi
Karit panggilit sa mga puta,
Tinuturing na talahib ang mga kaaway
Hinahasa ang talim sa lalagukan,
Pinupunit ang litid,
Ginuguhit ang simbolong maso't karit
Sa buko-bukong anit.
May armas ang tunay na diwata
Hindi mahiwagang palito kundi
Masong nagbabaga
Pinapanday sa malulumot na bato,
Sa ulo ng mga ulupong,
Gigibain ang mga dayuhang muog.
May armas ang tunay na diwata
Hindi ang pagbabalatkayo kundi
Ang matalas na pandama.
Sila'y mga kuwago,
Tahimik na tinatalunton ang mga sanga't palumpong,
Matalas sa kokak ng mga palakang kabkab,
Sa kaluskos ng pako't orkidiya,
Sa dagta mula sa sinugatang punong-kahoy
Sila'y mga babaeng gerilya,
Tahimik at matatalim,
Sumasabay sa oyayi ng agos ng ilog,
Sa pagbagsak ng tuyong dahon sa Timog,
Sa hosana ng mga ibon.
Patagong gagalugarin ang mga kuta,
Palalagablabin limampu't limang sulo
Sasairin burot ninyong palasyo
Matitikman tunay na init ng impyerno,
Walang matitira kahit bungo.
Wala mang mahika itong mga diwata,
Patuloy na magngingitngit ang sumpa sa buhay ng mga hayok
Dahil ipagtatalusira ng masansang na kaluluwa
Ang lunggang kinaroroonan ng mga sugapa.
Hindi sila makakawala,
Hangga't sinasalaula ang masa,
Hindi sila makakawala,
Hangga't hindi nakakamit ang bukas na mariwasa.
No comments:
Post a Comment