Sumapit na muli ang mahal na araw. Bubungad na naman ang mga palaspas sa simbahan, ang pag-alingawngaw ng mga boses mula sa pabasa, ang pagdanak ng dugo mula sa sugat ng mga nagpe-penitensya at ang kalembang ng kampana na hudyat ng pasko ng pagkabuhay.
Kung magbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang selebrasyon ng mahal na araw ay naka-ugat sa Kristiyanismo—ang malaking bakas na iniwan ng pananakop ng Espanyol. Ito ang ginamit ng mga mananakop bilang taktika upang talikuran ng mga Pilipino ang dati nilang tradisyon, at gawin silang bulag na sunud-sunuran sa mapang-abusong pamumuno.
Inanak ng tatlong siglo nilang pananakop ang mga Pilipinong tinitingnan ang pang araw-araw na problema bilang pagsubok ng Panginoon na masosolusyunan lamang ng pagtitiis, diskarte, taimtim na pagdarasal at matibay na pananampalataya.
Bagamat nakatutulong ang pagdarasal upang gumaan ang pinagdaraanang problema, hindi pa rin nito maisasalba ang mga nagdurusang kaluluwa sa impyerno ng mga makasariling pinuno.
Ang sagot sa ganitong problema na sistematiko at pangmatagalan ay pagpoprotesta sa nakalalagot-hiningang init ng araw sa kahabaan ng peligrosong lansangan, at paggamit ng armas, dahil hindi basta-basta isusuko ng mga demonyo ang kanilang kapangyarihan.
Ngunit ang ganitong gawi ay taliwas sa paniniwala ng karamihan, lalung lalo na sa mayorya ng katoliko at kristiyano na ang pananaw sa pakikibaka ay mistulang kasalanan dahil ang pagpuna at pag-aaklas ay kakulangan daw sa pananampalataya, na naka-ugat daw sa hindi pagiging kuntento sa Kanyang biyaya.
Ngunit mayroon dapat maikumpisal—ang ganitong paniniwala ay bunga ng pagmamani-obra ng mananakop na Kastila sa bibliya upang mabansot ang diwa ng mga Pilipino at hindi sila mag-aklas o magreklamo. Sila ang nagturo ng kaisipan na dapat marunong makuntento ang indibidwal at matutong magsumikap nang may malalim na pananampalataya sa Kanya, kahit na dumadaan na ang isang indibidwal sa malalang hirap at pang-aabuso. Ang ganitong pag-iisip ay binibigyang katwiran ng kasabihang "nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa."
Ngunit kung sisiyasating mabuti ang bibliya, maka-masa si Kristo. Ayon pa nga sa bida ng pelikulang Sister Stella L. (1984), "Kung nandito lamang si Kristo sa ibabaw ng lupa alam kong kasama ko Siya sa pakikipaglaban."
Dagdag pa rito, ang Mesiyas ay hindi lamang puro awa. Hindi siya nananahimik at nagwawalang-imik sa gitna ng inhustisya; siya ay aktibong pumapagitna at nakikisangkot dito. Direktang danas din niya ang pagpapahirap at kaisa siya sa bawat labang pinagtatagumpayan ng masang anak-pawis.
Napatunayan ito ng ilang eksena mula sa Bagong Tipan: sa pagtilapon niya sa mga lamesa sa templo noong nalaman niya kung paano pinagsasamantalahan ang mga nananampalataya; sa pananaway niya sa kanyang mga disipulo noong pinigilan ng mga ito na pumunta sa kanya ang mga bata; at sa milagrosong pagpapagaling niya sa mga may sakit.
Mula rito, makikita na si Kristo ay hindi lamang puro awa. Siya ay direktang nakilahok sa laban upang makamit ng mga pinagsasamantalahan ang karapatang dapat tinatamasa nila. Hindi Siya nagpatinag sa mga may kapangyarihan; bagkus ay binalikwas Niya sila at nagsalita Siya para sa mga inaapi.
Bukod sa mga ito, pareho rin ang tinamong pang-aabuso ng masa at ng Mesiyas, at makikita ito kapag sinuri ang naratibo sa mga pasyon.
Pabasa ng Pasyon
Tuwing mahal na araw, dinadaos ang pabasa kung saan maririnig ang talambuhay ni Hesus na sakop ang ilang araw bago siya ipako sa krus. Sa mga araw na ito, pinagtaksilan Siya ni Hudas at kalaunan ay hinatulan ng kamatayan ng mga namumuno upang Siya ay mapatahimik.
Gaya ni Hesus, ang masang bumabalikwas sa baluktot na pamumuno ay pinaparusahan ng pasistang estado; kung ang palad ni Hesus ay binutas ng pako at maso, ang sentido naman ng masa ay patuloy na binubutas ng bala ng mga armadong entidad ng estado.
Gaya ni Hesus, ang masa ay hinuhudas ng mga demonyo sa gobyerno. Ang pagkakaiba lamang ay alam ni Hesus na tatraydurin Siya ng kanyang kasama, habang ang masa naman ay hindi malay na libong beses na silang pinagsasamantalahan ng mga nasa itaas.
Gayunpaman, ramdam ng mamamayan ang dikit sa kaluluwang pagpapahirap sapagkat ang pang-aabuso sa kahit ano mang porma nito ay lagi't unang-unang mararanasan ng mga nasa laylayan ng lipunan; hindi lamang nila alam kung sino ang dapat pagkumpisalin sa ganito kalaking pagkakasala.
Ngunit sa tamang gabay, gaya ng natanggap ng mga disipulo mula kay Hesus, malalaman na nila ang sagot sa kanilang mga dasal: ang kolektibong pakikibaka na tila isang milagrosong haplos na bubunot at babali sa ugat ng mga salot na pumepeste sa ating lipunan.
Ang pabasa ng pasyon ay isa ring porma ng pagpapataas ng kamulatan ng bawat isa.
Mula sa naratibo ng pabasa, makikita na si Hesus ay mapagpalaya at gaya rin ng bawat indibidwal sa kasalukuyan, Siya ay nakikiisa sa mga pakikibaka.
Mula sa Kanyang buhay na binibigkas ng mga namamanata, malalaman ng mga nakikinig na makabuluhan at makatwiran ang bumalikwas laban sa mapang-aping uri.
Hatid ng pabasa, maging ng buong mahal na araw, na sa bawat pagbalikwas ay may paglaya. Sa bawat protesta at pagbalikwas ay may mapuputol na masamang ugat na nagpapayabong sa sistemikong problema.
Senakulo
Lansangan ang batayang lugar kung saan nagtatanghal ang iba't ibang grupo ng mga namamanata sa mahal na araw.
Ang pamamanata ay isang porma ng aktibismo at pakikibaka. At ang pakikibaka at aktibismo ay maituturing din nag pamamanata.
Ang mga pinagsasamantalahang sektor at namamanata ay kapwa nagtitiis sa panunusta ng mala-impyernong lansangan. Kapwa rin sila sumisigaw upang mardinig ang nirerehistro nilang dasal o panawagan.
Para sa namamanata at nakikibaka, malaking kasalanan ang lumimot sa nakaraan; hindi dapat burahin sa limot ang pagdurusa ni Kristo at ng mga nakikibaka sa kamay ng pasistang pinuno.
Kung halos parehas lamang ang pamamanata at pakikibaka, ibig sabihin ba nito ay maghihintay din ang masa ng isang Messiah na magliligtas sa kanila mula sa krisis panlipunan? Hindi. Hindi na nila kailangan pang maghintay dahil sila mismo ang magsasalba sa nabubulok na sistema; sila ang totoong tagapagligtas dahil ang masa ang Messiah.
Kung wala ang masang anakpawis na siyang tunay na tagapagtaguyod nitong lipunan, hindi uusad ang ekonomiya ng bansa at hindi magiging masigla at hitik ang kultura ng Pilipinas.
Sa paghanay nila sa lansangan at kabundukan, na kanilang malayang espasyo at sariling teritoryo, mababalandra nila ang kasahulan ng uring mapang-api—ang uri na siya ring nagpahirap kay Kristo.
Makikita ang ganitong kapangyarihan ng masa noong napatalsik nila ang diktador na Marcos Sr. sa pwesto noong EDSA People Power 1986, na pinangunahan pa nga ng ilang relihiyosong grupo.
Katulad ni Hesus, bagamat makapangyarihan ang masa, malala pa rin ang kademonyohan ng estado na paulit-ulit hinahagupit at pinapadanak ang dugo ng masang Messiah. Marami sa kanilang buhay ang siningil ng bala; kung minsan pa nga, kapag iniwan sila ng mga demonyo, halos hindi na sila makilala.
Pasko ng Pagkabuhay
Tatlong araw mula noong Siya ay pumanaw, nagbunyi ang marami nang muling mabuhay si Kristo. At nang masaksihan ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang pag-akyat sa langit, nakumbinsi sila na ipakalat ang mabuting balita at ang salita ng Diyos.
Sinasalamin ng eksenang ito na ang diwang mapagpalaya ay hindi titigil sa pagningas, kahit na pumanaw o mamartir ang isang nakikibaka o kung sino man ang nanguna sa rebolusyon. Hindi man matamasa ngayon ng isang nakikibaka ang tunay na kalayaan, itutuloy naman itong ilaban ng kanyang mga naiwang kasama; sapagkat ang rebolusyon ay hindi nakadepende sa isang tao at lalung-lalo na sa isang pinuno dahil magpapatuloy at magpapatuloy ang pagkamit ng rebolusyon hangga't may krisis at may nananatili't nagpapatuloy sa pagpapalawak at pakikibaka.
Mananatiling nagliliyab ang apoy ng mga rebolusyunaryo kahit pa magtapos ang kanilang buhay dahil hindi man sila gaya ni Hesus na may kakayahang mabuhay muli, magiging imortal naman sila sa puso at diwa ng kanyang mga kasama. At hangga't may suliranin at inaabuso, may masisilang na mga rebolusyunaryong dudurog sa mga naghahari-harian.
Bukod pa riyan, pinapakita rin ng eksenang ito na malunod man sa dagat-dagatang apoy ng pagmamalabis na dulot ng may kapangyarihan at makaranas man ng pang-aapi't lubhang pangyuyurak ng pagkatao, silang mga lumalaban ay hindi magpapatinag bagkus ay magpapatuloy, magpaparami sila at hindi na muling pasisiil.
Kung sisipatin ang kasaysayan, makikita na hindi basta-basta umusbong ang galit na isinasaboses ng mga nagpoprotesta sa lansangan at nag-aarmas sa kanayunan dahil gaya rin ni Hesus, nakibaka sila dahil batid nila na kailangan nang wakasan ang mala-impyernong pananamantala; bagay na tutuldukan ng masang anakpawis.
Kung susumahin, ang pinaka-epektibong mga paraan upang parusahan ang mga namumunong may puwang sa nagliliyab at nag-uumapaw na apoy ng impyerno ay kolektibong pagkilos sa porma ng pagpoprotesta sa kalunsuran at pag-aarmas sa kanayunan. Dito magkakaisa ang malawak na hanay ng masa upang maputol ang sungay ng mga hudas.
Ang Masa ang Messiah at ang malawak nilang hanay ang makabagong Hesus na magpapalaya at magpapastol sa kanila tungo sa mapagpalayang bukas.
✍: King Czar Mardi Dignos at Katlin
🎨: Jenevy Napal
No comments:
Post a Comment