Sa kabila ng kampanyang "Bagong Pilipinas", sunod-sunod pa ring paglabag ng karapatang pantao ang naibabalita buhat nang maupo si Ferdinand Marcos Jr. hanggang sa kasalukuyan, mula sa pambobomba ng militar sa San Joaquin, Iloilo, sa pagharang at pagharas ng kapulisan sa iba't ibang delegado na dadalo sa mga mobilisasyong masa, sa pagdukot sa mga kamag-anak ng mga lider-pesante, at ang kamakailan lamang na karahasang naranasan ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa labas ng Batasan Hills.
Sa katunayan, iilan lamang ito sa mga naitalang kaso magmula nang maupo sa puwesto si Marcos Jr. noong Hunyo 2022. Ayon sa datos ng Karapatan noong Disyembre 10, 89 ang naging kaso ng extrajudicial killings, 13 na biktima ng enforced disappearances, 207 ng ilegal at arbitrayong pag-aresto, 22,391 ng pambobomba, 39,769 ng indiscriminate firing, 24,670 ng sapilitang paglikas, 552 ng sapilitang pagsuko, at 1,632,463 naman ang naging biktima ng mga banta, panggigipit, at pananakot—kabilang na ang red-tagging.
Ayon naman kay Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel, hindi bababa sa 15 na kaso ng pagdukot sa mga aktibista at community organizers ang naitala magmula Hunyo 2022, kabilang na ang environmental activists na sina Jhed Tamano and Jonila Castro na mariing tumututol sa reklamasyon sa Manila Bay.
Samantalang nito lamang kinagabihan ng Marso 24, namataang dinukot ang church workers at environmental activists na sina Eco Dangla at Axielle Tiong ng mga hindi pa nakikilalang elementong sakay ng SUV sa Barangay Polo, San Carlos, Pangasinan.
Batay sa datos ng Global Witness noong 2022, nananatili pa rin ang Pilipinas magmula 2012 bilang isa sa pinakanakamamatay na lugar sa Asya para sa mga environmental defenders kung saan pumapalo sa bilang na 334 ang mga napatay.
Grave oral defamation laban sa 2 environmentalist defenders
Pebrero 20, naisapubliko ang hinaing warrant of arrest ni Doña Remedios Trinidad Municipal Trial Court Judge Jonna Soraelo Verdiano kina Tamano at Castro noong Pebrero 2, kaugnay ng kasong isinampa ng Department of Justice (DOJ) na grave oral defamation.
Matatandaang Setyembre 19, 2023, nang sila ay iharap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa isang press conference sa Plaridel Municipal Hall sa Bulacan bilang "rebel returnees", na agad kinondena nina Tamano at Castro matapos sabihing sila ay pinagbantaan kung kaya't sila ay napilitang sumuko matapos dinukot ng apat na armadong kalalakihan at isinakay sa grey sports utility vehicle (SUV) sa harap ng Orion Water District sa Barangay Lati, Orion, Bataan noong Setyembre 2.
Sa impormasyong inihain ni Senior Assistant State Prosecutor Arnold Magpantay na aprubado ni Prosecutor General Benedicto Malcontento, isang sadya, labag sa batas at marahas na paninirang-puri sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ginawa nina Tamano at Castro matapos ilantad na sila ay pwersahang pinasuko bilang mga rebelde at pinapirma ng pekeng affidavit habang nasa kamay ng mga militar.
Samantalang nakapagpiyansa naman sina Castro at Tamano ng tig-P18,000 noong Pebrero 23, at dapat na haharap sa pre-trial arraignment sa Marso 15 na siyang naurong sa Abril matapos nilang maghain ng quash to motion hinggil sa kasong isinampa sa kanila.
Kaso ng pagdukot noong 2023
Sa iniulat naman ng Karapatan Cagayan Valley, hinuli umano nang buhay ang University of the Philippines Manila alumna na si Patricia Cierva at kapwa youth organizer na si Michael Cedrick Casaño ng mga di umano'y miyembro ng 501st Infantry Brigade sa Brgy. Cabiraoan sa Munisipyo ng Gonzaga, Lalawigan ng Cagayan noong Mayo 18.
Kasunod ng pagkawala nina Cierva at Casaño ay ang pag-aresto naman ng PNP at Criminal Investigation Detection Group sa 75 anyos na aktibistang si Adolfo Salas Sr. sa kanyang tahanan sa Bohol noong Mayo 25 na dinala sa Camp Francisco Dagohoy sa Tagbilaran City.
Si Salas ay isa sa mga nagtatag ng Hugpong sa mga Mag-uumang Bol-anon (HUMABOL-KMP) at kasalukuyang vice chair ng Alayon sa mga Mag-uuma sa Candijay (AMACAN-HUMABOL-KMP).
Batay sa mga testigo, mga hindi naka-uniporme umano na mga lalaki ang nagtanim ng .45 cal pistol., .38 cal revolver, hand grenade at iba't ibang uri ng bala na kalaunan ay nakuha umano sa pag-aari ni Salas, ayon sa mga awtoridad.
Bukod pa rito, dalawang organizers din mula sa BALATIK (Bond and Strength of Indigenous Peoples in Southern Tagalog) na sina Mary Joyce Lizada at Arnulfo Aumentado ang nawawala habang gumagawa ng field work kaugnay ng sunod-sunod na pamamaril ng Philippine Military sa Oriental Mindoro noong Abril 24.
Ilang araw matapos silang mawala ay iniharap sila ng Philippine Military bilang mga miyembro ng rebeldeng mandirigma ng New People's Army (NPA).
Samantala noong Abril 28 ay iniulat naman na nawawala sina Bazoo De Jesus, staff ng Philippine Task Force for Indigenous Peoples' Rights at Dexter Capuyan, isang Bontoc-Ibaloi-Kankanaey kung saan ay inaakusahan ng militar at pulisya si Dexter bilang pinuno ng rebeldeng grupo ng NPA.
Bagamat may mga nag-resurface tulad nina indigenous peoples' rights advocate Steve Tauli, development workers Dyan Gumanao at Armand Dayoha, may iilan pa ring nawawala.
Ang pagkadukot sa mga aktibista at community organizers ay maituturing na paglabag sa ikatlong parte ng Comprehensive Agreement for Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na parehong nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front kung saan binigyang-diin sa Artikulo II Seksyon 5 ang karapatan sa kalayaan sa pamamagitan ng pribilehiyo ng habeas corpus laban sa hindi naaangkop at di-makatarungang pag-aresto at pagkakakulong at ang Seksyon 9 na nagtataguyod ng karapatang magkaroon ng "substantive at procedural due process," na siyang kumikilala, pumoprotekta, at nagtataguyod ng karapatan ng mga mamamayan tulad ng mga aktibista, organizers, at NPA.
Pahayag ng human right groups
Sa iba't ibang pahayag ng human right groups, ang pagdukot kina Castro at Tamano ay nagsisilbing paalala sa mga panganib na kinakaharap ng mga aktibistang pangkalikasan.
Sa isang pahayag, sinabi ng militanteng grupo ng mangingisda na PAMALAKAYA na ang pagdukot sa dalawang kabataang environmentalist sa Bataan ay isang indikasyon ng patuloy na walang pakundangang pagkilos sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr.
"Speak to the dangers" naman na kinakaharap ng mga environmental advocate para kay Rachel Cox, campaign lead ng non-profit organization Global Witness, ang pagdukot kina Tamano at Castro.
"This is the reality for defenders in the Philippines," ani Cox. "If you challenge the status quo, you can be undermined and attacked, seemingly with impunity."
Ayon sa Global Witness, sa Pilipinas, 11 na environmental defenders ang napatay noong 2022, kung kaya't itinuturing itong pinakamapanganib na bansa para sa mga environmental activist sa Asia.
"Ang laban ng dalawang tanggol-karapatan-at-kalikasan ay hindi lamang nila laban, ito ay laban ng mamamayang api. Ang korte ay isa lamang sa arina ng pakikibaka, ngunit ang tunay na maghuhukom ay ang masa sa lansangan at mga komunidad," saad ng grupong Hands off Jhed and Jonila Network.
Bukod sa mga pagkawala o pagkadukot, marami pa ang nahaharap sa iba't ibang banta, kabilang ang mga aktibistang nagpoprotesta laban sa isang iligal na minahan ng nickel sa gitnang isla ng Sibuyan at ang mga aktibista na inakusahan na terorista.
"Tandaan natin, hindi kusang hinahatid sa atin ang ating karapatan, ito'y pinaglalaban, iginigiit, pinalalawak, ipinapagwagi, at tuloy-tuloy na pinagtitibay gamit ang ating pinagsamang tinig, lakas, at pagkilos. Bagamat nariyan na ang deklararasyon, lagi't-laging tungkulin ang ipaalala laluna sa mga gobyerno ng mundo na ito ay dapat kinikilala, isinasakatuparan, at ipinagtatanggol," panghihimok ng In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDefend) sa pagtataguyod ng karapatang pantao.
: Grace Villena
: Jenevy Napal
No comments:
Post a Comment