at sumalubong na ang bukang liwayway, ibinalot na sa tela
walang-wala ang purong puti sa kalamnang tintado ng pula
sa mga mata nila, wala na silang buhay at natuldukan na raw
nagpadausdos ng palito si Maria at siyang idinikit sa mitsa ng kandila
kahit ang unang tunaw ay may dugo ng panggagalaiti
napahawak siya nang mahigpit sa belo sa hagupit ng hanging galit kay Pilatona siyang nagbuo ng isang kamao
sumasabay ang apoy sa gitna ng araw, lumulusaw na ang kandila ni Maria
kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha
malinaw, bula-bula, malagkit, tumatalsik
hindi galing sa kandila kundi sa kaniyang bibig
napagpasyahan niyang manatili, maniwala, at manindig
na babalik ang Anak at magpapabago
sapagkat sakripisyo'y hindi kailanman mahaharangan ng bato
nang magtakipsilim, lalong lumiwanag ang apoy ng Sabado
itinali niya ang kaniyang belo
alam niyang dadating at mabubuhay pa rin
umingay ang mga buhangin at dahon
tuloy ang daloy ngunit hindi na ang luha ni Maria
solido kahit saan dumaan, iisa ang panghahawakan
mapatibay ang tumatayong tanglaw ng bukas
: Eden Mae Garcia
: Rhian John Guevara & Justine Cueva
No comments:
Post a Comment