Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Palawan ang isang hinihinalang Chinese Mafia leader at tatlo pa niyang kasamahan na sinasabing sangkot umano sa pagpapakalat ng mga mga 'fraudulently-acquired na government-issued identification cards' at iba pang dokumento.
Kinilala ni BI intelligence division Chief Fortunato Manahan, Jr., ang mga naarestong dayuhan ay nakilalang sina Wang Tao, Li Xiaoming, Guo Zhi Yang, at Lyu Zhiyang.
Ang apat ay naaaresto ng BI sa Brgy. San Pedro, Palawan City noon pang Marso 19, sa pakikipag-koordinasyon sa Naval Forces West, National Intelligence Coordinating Agency 4B, at sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Napag-alaman na si Lyu, na mayroon umanong alyas na Ken Garcia Lee, ang sinasabing siyang utak ng operasyon at tinaguriang fraud mafia leader sa Palawan. Itinuturo rin siyang lider ng isang lokal na sindikato na nagkakaloob ng mga government-issued documents na illegal nilang nakuha sa mga undesirable aliens at trafficking victims.
Ilang Philippines-issued IDs mula sa mga dayuhan, kabilang na ang mga drivers' licenses, postal IDs, at birth certificates ang nakumpiska sa mga suspek.
Sinabi ni Manahan na ilang buwan ding trinabaho ng arresting team ang kaso na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga dayuhan.
Pinuri naman ni BI Commissioner Norman Tansingco ang mga operatiba dahil sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Ayon kay Tansingco, ang mga naturang dayuhan ay ikinukonsidera nilang malaking isda dahil sa illegal na pagkakaloob ng mga Philippine IDs sa mga dayuhang nagpapanggap na mga Pinoy.
Ang apat ay kasalukuyang nakapiit sa BI facility sa Bicutan, Taguig at mahaharap sa mga kasong misrepresentation at undesirability dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940.
CALOY CARLOS - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment