Bilang bahagi sa pagtataguyod sa kalusugan ng bawat Pilipino, idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ika-17 ng Hulyo bilang National Cardiopulmonary Resuscitation Day.
Sa bisa ng Proclamation No. 511 na nilagdaan ng Chief Executive nitong nakaraang March 27 ay binibigyang diin ang kahalagahan ng cardiopulmonary resuscitation O CPR bilang isang lifesaving technique na malaking tulong sa maraming kaso ng emergencies.
Sinabi ng Chief Executive na may pangangailangang ituloy ang ginagawang pagtataguyod sa kamalayang pangkalusugan ng mga Pilipino.
Ito'y sa pamamagitan na rin ng pagbibigay sa lahat ng kailangang impormasyon, kaalaman, ugali, at kasanayan upang tugunan ang mga health emergencies kabilang na dito ang may kinalaman sa CPR na mahalaga din aniyang matutuhan sa bawat tahanan para sa ano mang emergency.
Kaugnay nito'y Department of Health (DOH) ang magsisilbing lead agency para sa pagpaplano, paghahanda, koordinasyon, organisasyon, implementasyon, pagsubaybay at ebalwasyon ng mga inisyatibo at programa ng taunang pagsasagawa ng National Cardiopulmonary Resuscitation Day.
Lahat ng mga ahensya ng pamahalaan ay pinapayuhang aktibong makilahok sa paggunita sa National Cardiopulmonary Resuscitation Day gayundin ang mga non-government organizations at pribadong sektor.
ANGHEL MIDRERO - HN NEWS CORRESPONDENT
No comments:
Post a Comment