Isinisi sa media ng isang opisyal at provincial prosecutor na naghahanda ng mga kasong may kaugnayan sa pinakamalaking drug bust ng pamahalaan ang magkakaibang datos sa dami ng mga shabu na nasamsam.
Sa press briefing na pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes, Abril 18, sinagot nina Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) deputy director for operations Assistant Secretary Renato Gumban at Batangas provincial prosecutor Lourdes Zapanta ang tanong kung may mandato ba ang mga pulis na maglabas ng pagtaya sa dami ng mga nasamsam na shabu gayong ang operasyon o case build-up ay nagpapatuloy pa.
Sa inisyal na ulat, nakita na ang mga shabu na nakumpiska mula sa operasyon sa Alitagtag, Batangas noong Abril 15 ay tinatayang may timbang na nasa dalawang tonelada at nagkakahalaga ng P13 bilyon.
Kalaunan ay nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na ang aktwal na timbang at halaga ay 1.4 tonelada at P9.68 bilyon.
"Can I answer that? I think they are not obliged but it is you who forced them to give an estimate, it was — tinanong ninyo eh, eh 'di napilitan sila, ano? Eh 'di kung hindi niyo tinanong eh 'di hindi sila nagbigay, 'di ba?" ani Zapanta.
"It is you who asked. It is not their obligation," dagdag pa niya.
Samantala, sinabi ni Gumban na na-pressure lamang sila sa mga tanong ng media.
"'Yon nga 'yong ano, nape-pressure na kami do'n sa estimate-estimate. Hindi kami nagbibigay ng estimate unless pressed by the press, kayo nagtatanong do'n, sinabi naman sa akin, 'Sir, kailangan natin ng estimates doon,' eh simple mathematics lang naman ang estimates eh," pahayag ni Gumban.
"May ano ba do'n sa sinabi kong formula kanina? May mga algebra-algebra ba 'yon, wala; simple math lang 'yon, 'yon ang mag-estimate," dagdag pa nito.
Ayon sa prosecutor, hindi nila maaaring ibigay ang impormasyon na mahalaga sa imbestigasyon dahil maaari itong makaapekto sa kaso.
"I'm not part of the witness but I come because it is not our obligation to disclose the vital information considering it is under investigation, nagke-case build-up po kami, so we cannot disclose vital information."
"We have to preserve the evidence. Ngayon, kung sasabihin namin, ang sinasabi na naman, the evidence will be contaminated. So again, it will be useless; it is inadmissible as evidence. Kaya po pagpaumanhin po kung mayroong mga tanong tungkol po sa mga gagawin at ebidensya na hindi namin maaaring sasabihin," dagdag pa niya.
Tutol naman ang mga miyembro ng PNP Press Corps sa naging pahayag ni Zapanta at sinabing tungkulin ng media na magtanong.
Samantala, kinilala naman ito ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. at sinabing nauunawaan niya ang pangangailangan ng publiko na malaman ang mga detalye kaugnay ng drug bust.
"That is media's role, we know it, and it should really be your role, kasi you should always ask questions, kailangang malaman ng ating publiko kung ano ang nangyayari. That's why on our end, we try to be transparent here, kaya ang ginawa ko, sinama ko na lahat dito, ano 'yong nangyari, ano'ng ginagawa namin," ani Abalos.
"At least the media is a witness to what happened, 'yon na po ang importante, hindi ba? Nando'n na kaagad 'yong media no'ng dumating 'yong van, no'ng binaba ito may mga tao na rin do'n, everything is transparent po dito. Siguro 'yong word na estimate, 'yong higit-kumulang, 'yon naman ang [ginamit]," dagdag ng opisyal.
ATTY. EDNA DEL MORAL
No comments:
Post a Comment