Himas-rehas sa kulungan ang isang pulis nang ireklamo ng taxi driver na kanyang pinagmumura at pinagbantaan na papatayin sa Quezon City nitong nakalipas na Sabado, Marso 30, 2024.
Mismong kanyang mga kabaro ang umaresto kay Patrolman Erl-Louie Cauilan Alcaraz, 31 anyos, nakatalaga sa Malabon City Police Station at residente sa Barangay Katipunan, Quezon City.
Ayon sa pahayag ng taxi driver na si Ulysses Pitallo Vasquez, 56, kay SSg Christian Loyola ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente 10:30 ng umaga sa EDSA Northbound, Brgy. Bahay Toro sa lungsod.
Minamaneho ni Vasquez ang kanyang taxi patungong Monumento nang bigla umanong harangin ni Alcaraz na sakay ng motorsiklo.
Dito siya sinabihan ng pulis ng "P….mo! papatayin mo ba ako? sabay sipa at hampas sa kanyang taxi.
Ipinakita din ng pulis sa biktima ang kanyang posas sabay bitaw ng salitang "Papatayin kita."
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis ng QCPD Police Station 15 na nagpapatrolya sa lugar at dinakip si Pat. Alcaraz.
Nahaharap sa kasong Unjust Vexation, Threat at Malicious Mischief ang nasabing pulis.
BECCA DANTES – HN NEWS CONTRIBUTOR
No comments:
Post a Comment