Maghihigpit na ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nitong may tattoo at sa mga aplikante nito.
Sa isang press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ipabubura ng PNP ang mga visible na tattoo ng mga pulis habang hindi naman tatanggapin sa organisasyon ang mga aplikante na mayroong tattoo kahit pa hindi nakikita ito.
Nakasaad ang nasabing kautusan sa ilalim ng Memorandum Circular 2024-023 na inaprubahan noong Marso 19 at magkakabisa 15 araw pagkatapos mailathala.
"'Yung mga papasok po at may intensyong pumasok sa PNP via lateral entry, 'yung atin pong mga kadete sa PNPA, mga papasok po ng patrolman o patrolwoman, definitely hindi po sila puwedeng pumasok sa PNP na may tattoo," aniya.
Samantala, ang mga pulis na mayroon nang mga tattoo bago ang bisa ng bagong patakaran ay kailangang magdeklara ng lahat ng kanilang mga sining sa katawan at hindi na pinapayagang kumuha ng bago lalo na sa mga lugar na nakikita kapag nakasuot ng uniporme.
"Kung ako po ang pulis na kasalukuyang may tattoo sa katawan ay ilalagay ko po doon kung ano 'yung mga specific na tattoo ko doon," aniya pa. "After po maging effective noong memorandum circular ay hindi na po pupuwede akong magdagdag ng tattoo sa aking katawan especially kung ito ay visible habang naka-suot ng uniporme," dagdag pa ng opisyal.
Samantala, exempted ang mga tattoo para sa aesthetic na layunin tulad ng kilay, ayon kay Fajardo.
Kabilang sa mga tattoo na ipagbabawal ay ang mga nauugnay sa extremism, illegal activities, at indecency, dagdag niya.
"Kasi pangit po naman na naka-uniporme po ang mga pulis natin na tadtad ng tattoo. Kaya nga ang sabi nga po, puwede kayong mag-tattoo doon sa hindi visible po," ani Fajardo.
MICHAEL DINGLASAN - HN INVESTIGATIVE REPORTER
No comments:
Post a Comment